3rd win asinta ng Magnolia at Pharex

MANILA, Philippines – Isusulong ng Magnolia Purewater at Pharex Bidang Generix ang kanilang back-to-back wins sa pakikipag-harap nila sa kani-kanilang kalaban sa magkahiwalay na laro ngayon para makapasok sa semis ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup na gaganapin sa San Juan gym.

 Hindi man ganun kaganda ang nilaro ng bataan ng Wizards, inaasahang susungkit ito ng panalo kontra Cobra Energy Warriors sa dakong alas kwatro. Nakauna ang Magnolia makaraang pabagsakin ang Energy Warriors 69-67 sa unang round.   

Tangkang pagratsada ang gagawin ng Pharex Bidang Generix para sa follow up win nito laban sa Licealiz Hair Doctors bandang alas- 2 ng hapon, matapos igupo ang Energy Warriors noong Sabado.  Nautas ng Licealiz ang Pharex sa unang round, 87-78, subalit hindi pinaboran ng bola ang Hair Doctors ng tapusin sila ng Oracle Titans, 79-72 sa nakalipas na paghaharap.

 Sa ngayon, ang sister team ng Harbour Centre ang may siguradong pwesto sa semis nang ilampaso ang ibang koponan upang makamit ang four game sweep at magtagumpay sa unang laro ng second round ng classification phase.

Ang tatlong magagaling na grupo matapos ang classification round ang awtomatikong aabante sa Final Four, at ang huling dalawang team ay maghaharap para sa best of three quarterfinal series. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments