3rd place ang Realtors

Matapos isuko sa Alaska ang kanilang titulo, naging konsolasyon ng natanggalan ng koronang Sta. Lucia Realty ang third place sa KFC-PBA Philippine Cup.

Umiskor si Denok Miranda ng isang baseline floater na naglagay sa Realtors sa trangko, may 1:31 minuto pa ang nalalabing oras sa laro upang mapreserba ang 99-97 panalo laban sa San Miguel Beer sa kanilang knockout game sa Araneta Coliseum kagabi.

“It was a good run for us, even though we fell short to defend our title,” pahayag ni coach Boyet Fernandez.

Sa katunayan, lamang pa ang SMBeer sa 95-87 papasok sa huling 6:39 minuto ng labanan ngunit isang 10-0 salvo ang pinakawalan ng Sta. Lucia sa pagtutulungan nina Dennis Espino, Kelly Williams at Miranda upang kunin ang 97-95 kalamangan, 2:50 ang nalalabing oras.

Naitabla ng Beermen ang iskor sa 97-all mula sa basket ni Marc Pingris, 2:21 ang oras sa laro ngunit nabigo silang umiskor sa kanilang tatlong sumunod na posesyon kung saan nagmintis sina Bonbon Custodio at Mick Pennisi sa triple area.

May pag-asa pa sa panalo ang Beermen nang maipuwersa ang jumpball sa huling 1.4 segundo ng labanan sa pagitan nina Miranda at Custodio ngunit napunta kay Espino ang bola na natapik ni Custodio.

Ito ang ikaanim na third place trophy ng Sta. Lucia sa kanilang ika-13 na pakikipag-laban.

Ayon kay Fernandez, bibigyan lamang niya ng 11-araw na pahinga ang Realtors bago magbalik ensayo sa February 9 para sa kanilang paghahanda sa Reinforced Conference kung saan apat na import ang kanilang pinagpipilian ngunit ang pinupuntirya nila ay ang dating naging import ng Coca-Cola na si Anthony Johnson na nakasama nilang lumaro sa isang kampanya sa Brunei.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Alaska at Talk N Text para sa opening game ng kanilang best-of-seven championship series.

Show comments