Coca-Cola Tigers bumabangon na

Muling naasahan ng Coca-Cola ang nagbabalik na si Ronjay Buenafe ngunit sa pagkakataong ito ay nakakuha ito ng malaking tulong mula kina Alex Cabagnot at Nic Belasco para sa ikalawang dikit na panalo ng Coca-Cola kontra sa Rain Or Shine, 84-73 sa pagpapatuloy ng KFC-PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome kagabi.

Isang 8-0 run na pinagtulung-tulungan nina Asi Taulava, Belasco at Cabagnot ang naglayo sa Tigers upang kubrahin ang kanilang ikalimang panalo sa 12-laro matapos ang nakaraang blow-out win kontra sa Purefoods, 93-72 noong Biyernes kung saan nagbida si Buenafe sa pagkamada ng 18-puntos mula sa tatlong larong pagkawala.

Katabla ng Tigers ang Purefoods sa ilalim ng Alaska (9-3), San Miguel (7-4), nagdedepensang Sta. Lucia (6-5), Air21 Express (6-5), Elasto Painters (6-6), Talk ‘N Text Tropang Texters (5-6) at Ginebra Gin Kings (5-6) kasunod ang Red Bull Barakos (3-8).

Umabante pa ang Coke sa 76-65, 3:33 minuto ang natitira sa fourth quarter galing sa tres ni Buenafe ngunit ang 8-0 atake nina Sol Mercado at Jireh Ibañez ang nagdikit sa Elasto Painters sa 73-76 sa huling 2:04 minuto ng laro bago ang kabayanihan nina Cabagnot, Belasco at Taulava.

Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pang naglalaban ang TJ Giants at ang Beermen. (MBalbuena)

Show comments