RP bowlers kakatawan sa kontinente sa Federation Cup

Matapos ang matagumpay na kampanya sa 20th Asian tenpin bowling championships, dalawang linggo lang magpapahinga sina Chester King at Raoul Miranda bago tumulak sa isa na namang importanteng international assignments.

Sina King at Miranda ang napili ng Asian Bowling Federation para kumatawan sa kontinente sa Federation Cup sa Barcelona bunga ng kanilang matagumpay na tinapos sa men’s all-event competition.

Ang two-gold winner na sina King at Miranda, na sumungkit ng isang ginto, isang silver at isang bronze ay aalis sa July 27 para lumahok sa Barcelona kasama ang all-events bronze medalist na si Hussain Al-Suwaudu ng UAE at 4th placer Mubarak Al-Muraikhi ng Qatar para lumahok sa men’s division.

Kakatawanin naman ng apat na Koreans ang ABF sa women’s division. Ito ay sina gold winner Jeon Eun-Hee, silver medalist at Masters champion Choi Jin-A, Kim Yeau-Jiu at Hwang Sun-Ok.

Ang Pinoy bowlers na suportado ng Ebonite, Philippine Airlines at Philippine Sports Commission ay nagtapos na ikatlo sa pangkalahatan sa 19-country Asian competition na may 2 golds,1 silver at 1 bronze.

Ang ikalawang ginto ng RP ay mula sa men’s trios nina King Miranda at Frederick Ong.

Show comments