^

PSN Palaro

Siyempre, lalaban tayo

GAME NA! - Bill Velasco -
May mga nagdududa sa pahayag ni Philippine basketball team head coach Chot Reyes na ang tanong ay hindi kung kaya nating talunin ang China, kundi paaano? May mga nakapagsabing tila hindi makatotohanan ito, o kaya’y labis na pagmamayabang.

Subalit kung ilalagay natin ang sarili natin sa puwesto ni Reyes, ano pa ba ang sasabihin niya? Magbibitaw ba siya ng salitang " Hindi, malabong talunin natin ang China. " Siyempre, hindi.

Bakit niya nasabi iyon? Una, trabaho niyang siguraduhing kaya natin magtagumpay sa international competition. Pangalawa, sa oras na ito, ang lahat ay posible. Natatandaan ko noong akoy’ pumunta sa Atlanta Olympics noong 1996, nagharap ang China at nakita kong sumuko agad ang coach ng China at hindi na pumalag. Halos si Wang Zhizhi lamang ang nagpapakita ng tapang (wala pa noon si Yao Ming). Nasibak ang kanilang coach dahil doon.

Sa panig naman ng Pilipinas, hindi mahalaga sa ngayon ang talunin natin ang Tsina. Ang importante, magkampeon tayo sa SEABA at kasunod nito, pumasok tayo sa una o pangalawang puwesto sa FIBA-Asia. Hindi na natin dapat alalahanin ang China, dahil pasok na sila sa Olympics bilang punong-abala.

May mga player na inaasahang pasok sana sa Philippine team, subalit hindi nakasama sa listahan. Kabilang dito sina Kelly Williams, Willie Miller, Eric Menk at Jay Washington. Sa unang araw pa lamang nang siya’y dumating dito sa Pilipinas, kasali na sa national pool si Williams at kakailanganin natin ang tulad niyang maraming posisyon kayang laruin.

Ang pananaw ng iba’y pagtatago ng baraha ang ginawa ni Reyes, dahil pag napanood na tayong maglaro sa SEABA, mapag-aaralan na tayo ng mga tulad ng Japan, Korea at China. Dagdag pa rito, nag-iwan si Reyes ng puwang para baguhin ang lineup kung kinakailangan. Sa madaling sabi, handa siya para sa anuman ang maaaring mangyari.

Isa pang maaaring dahilan ng di-pagsali ng ibang player ay maaaring ikapilay ng kanilang mother team. Kung tutuusin, ang Barangay Ginebra, San Miguel Beer at Talk N Text na ang pinakaapektado sa paghatak ng player sa national team. Kung ibabawas pa sina Menk sa Gin Kings at Washington sa Phone Pals masyado silang hihina.

Sa susunod na Linggo pa magsisimula ang training ng Philippine team. Marami pa ang puwedeng mangyari. Pero maganda nang sa simula pa lamang ay itinatag na ni Chot ang pakay niya: talunin ang China.

Kaya naman, hindi ba?

vuukle comment

ATLANTA OLYMPICS

BARANGAY GINEBRA

CHINA

CHOT REYES

ERIC MENK

REYES

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with