Magugunitang nangyari na ito noon nang malapit nang mawala ang Shell Turbochargers sa PBA.
Lahat ng kanilang dekalidad na manlalaro ay binitawan nila, at ang mga nakuha nilang player ay tila hindi pakikinabangan ng ibang team, o patapos na ang mga kontrata. Sa ganitong paraan, maaari pang may makuhang ibang kapalit ang team na mawawala na.
Natatandaan ng inyong lingkod noong buhay pa ang Metropolitan Basketball Association, nagsimula ang mga usapang hindi talaga "trade" ang nangyayari sa pagitan ng ibang team.
Kung minsan, may balitang may dagdag na perang kapalit, lalo na kung halata namang hindi magkapareho ng husay ang dalawang player na ipinagpalit.
Sa ordinaryong manonood, halimbawa, bakit mo ipagpapalit ang isang sentro sa isang point guard?
Hindi bat may kasabihang "You build a basketball team from the inside out?"
Sa isang panig, masasabi nating karapatan ng isang team ang gawin ang anumang gusto nila sa kanilang player.
Pwede nilang huwag gamitin, o ipagpalit sa ibang team, dahil sila ang nagmamay-ari sa kontrata para sa serbisyo ng player na iyon.
Subalit pangit naman tingnan kung lulubog ang team dahil lamang hindi patas ang palitan ng player.
Sa NBA, may mga tinatawag na "sign and trade deal", kung saan ang player na patapos na ang kontrata ay papipirmahin ng bagong kontrata at ipagpapalit sa ibang team, para lamang may makuha ang kanyang mother team. Mahirap nang bitawan basta-basta ang isang magaling na player na alam mong makakalaban mo, tapos wala ka pang sukli na pananggang player din.
Ang tanong ngayon ay kung paano susukatin ng PBA ang halaga ng ilang player. Nabanggit na titingnan ang haba ng kontrata, halaga ng suweldo ng player, at iba pang bagay.
Pero mahirap kiluhin ang halaga ng player na magkaiba ng posisyon. Ano ba ang kailangan ng team? Ano ang magiging silbi ng bagong dating na player?
Madalas nating makita ang batas na nalulusutan.
Wala namang nilabag na patakaran ang pagpapalitan ng pitong player ng Coca-Cola, Ginebra at Air21.
Pero ano ang ipinahihiwatig nito, at ano ang magiging epekto sa PBA?
Ang mga nakatagong ito ay lalabas din.