At ganito ang eksaktong naganap sa Purefoods Chunkee nitong nagdaang linggo sa San Mig Coffee-PBA Fiesta Conference at mayroong mahusay na paliwanag dito si coach Ryan Gregorio kung bakit nagawa ng kanyang koponan ang pinakamagandang panimula sa taong ito.
"The players all want to win," ani Gregorio, kung saan ang kanyang Giants ay umiskor ng 86-84 panalo laban sa Alaska Aces noong nakaraang Biyernes sa Cuneta Astrodome, kung saan sa larong ito nakipagbanatan ng husto ang Giants ng umahon mula sa 29 puntos na pagkakabaon sa third period bago nila winalis ang defending champion San Miguel Beermen, 92-90 noong nakaraang Linggo sa Araneta Coliseum.
"In the Alaska game, I just wanted the boys to whittle the deficit in case of quotients. Against San Miguel, I was relegated to a virtual spectator in the dying minutes," paliwanag ni Gregorio.
At ang gaya nina import Marquin Chandler, rookies Jondan Salvador at Marc Pingris at Noy Castillo ang naging susi, subalit hindi rin dapat tawaran ang never-say-die spirit ng koponan at higit sa lahat ang kabayanihan nina Kerby Raymundo at James Yap na pawang nahirang na co-Players of the Week ng PBA Press Corps.
Ayon kay Gregorio, si Raymundo ang kinikilalang spiritual leader ng Giants sa kabila ng kanyang pagiging bata, habang si Yap ang chief disciple, na kusang umaako ng trabaho sa sarili niyang mga kamay partikular na sa mga krusiyal na bahagi ng laro.
Tumapos si Yap ng 15 puntos laban sa Alaska, 13 nito sa second half, habang nagtala naman si Raymundo ng 12 puntos, 7 rebounds at tatlong assists. Umukit rin siya ng walong puntos sa second half upang paningasin ang kanilang pagbangon.
Bunga ng kanilang panalo, napaganda ng Purefoods Chunkee ang kanilang record sa 3-1 win-loss slate sa likod ng lider na Talk N Text na may 2-0 karta sa standing.