Sa nakaraang 106-85 panalo ng Aces laban sa Red Bull, ipinamalas ng NBA veteran na si Simpkins ang kanyang pinakamagandang laro sa torneong ito sa pagkamada ng 32-puntos, 17 rebounds at limang assists na malaking improvement sa kanyang average na 20-pts at 18.5 rebounds.
Umaasa si Cone na masusustinihan ni Simpkins ang kanyang magan-dang ipinapakita upang hindi masira ang magandang winning streak ng Alaska sa pakikipagharap ng Aces sa Shell Velocity sa alas-7:35 ng gabi sa pagdako ng aksiyon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kasama ang Alaska sa three-way-tie sa 5-4 record na kinabibilangan ng Ginebra at Shell sa likod ng nangungunang San Miguel na may 7-3 record kasunod ang 5-3 record ng Talk N Text na kasalukuyang nakikipaglaban sa Red Bull habang sinusulat ang balitang ito.
Humina ang laro ng Shell import na si Wesley Wilson dahil sa isang injury sa tuhod ngunit puwersado ang Turbo Chargers na gamitin pa rin ito dahil hindi nila maibigay ang presyong hinihingi ng kanilang stand-by import na si Jamal Watkins.
Hangad naman ng Gin Kings na makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan sa pakikipaglaban sa umiinit na Sta. Lucia sa pambungad na laban sa alas-4:45 ng hapon. (Ulat ni CVOchoa)