Pacquiao, pararangalan ng PBL

Sa simpleng seremonyang pambungad ng PBL Unity Cup na magbubukas sa Sabado, isang mahalagang parangal ang ibibigay ng Philippine Basketball League.

Walang kinalaman sa PBL ang indibidwal na ito na gagawaran ng award ngunit nagsilbing inspirasyon ito sa lahat ng Filipino hindi lamang dito sa bansa kundi sa buong mundo.

Kikilalanin ng PBL si Manny Pacquiao na gagawaran ng Gawad ng Kagitingan sa opening ceremonies sa Sabado sa Makati Coliseum.

"You can go down fighting but in losing you can actually win. Though he (Pacquiao) lost, he won the heart of Filipinos," pahayag ni PBL Commis-sioner Chino Trinidad na panauhin sa lingguhang PSA Forum sa Manila Pavilion kahapon patungkol sa nakaraang pagkatalo ng Pinoy boxer laban kay Eric Morales sa Las Vegas noong nakaraang linggo.

Walong teams, dalawa nito ay bagong miyembro ng liga, ang maglalaban-laban para sa titulo. Ito ay ang Magnolia, Welcoat, Montana, Granny Goose, Toyota Otis-Letran, ang Bacchus Energy Drink (dating Air Philippines) at ang mga bagong saltang Harbour Centre (nakabili ng prangkisa ng nagdisbandang Addict Mobile Ateneo) at ang San Beda College na magdadala ng pangalan ng Negros Navigation.

Ayon kay Trinidad, karamihan sa mga laro ay gaganapin sa Makati Coliseum hanggat hindi pa natatapos ang kasalukuyang renovation sa Pasig Sport Center.

"Maglalaro uli ang PBL in different schools hangga’t hindi pa natatapos ang construction sa Pasig Sports Center," ani Trinidad.

Noong nakaraang kumperensiya, naglaro ang PBL sa Letran, Ateneo, La Salle Greenhills, FEU at UST.

Show comments