Ayon sa isang malapit kay Peñalosa, dating World Boxing Council (WBC) superflyweight champion, matutuloy ang laban ng tubong Negros sa Setyembre 11 sa Lapu-Lapu City, Mactan Island, Cebu.
"Tila hindi pa sumusuko si Peñalosa sa kanyang pangarap na makamit muli ang world title," ayon sa isang boxing man na nakapanayam kahapon. "Panay na panay ang ensayo ni Gerry kayat mukhang seryoso itong makabalik sa ring."
Huling lumaban si Peñalosa noong Disyembre 2002 sa Osaka, Japan, kontra kay Masamori Tokuyama. Tinalo ni Tokuyama si Peñalosa sa pamamagitan ng split decision. Una na silang nagharap noong Setyembre 2001 sa Yokohama at doon ay tinalo rin ni Tokuyama si Peñalosa sa puntos.
Ngayoy hindi na champion si Tokuyama sapagkat siya ay tinalo sa pamamagitan ng first-round knockout ni Katsushige Kawashima.
Noong Hulyo pa dapat umano lalaban si Peñalosa subalit hindi ito natuloy dahil sa hindi pagkakaintindihan sa kanyang promoter na si Paul Pereyra ng Cebu.
Noong Mayo ay nagpakitang-gilas muli si Peñalosa sa isang three-round exhibition sa The Fort.
Samantala, sa Oktubre naman magdedepensa ng kanyang Orient-Pacific Boxing Federation superfeatherweight title si Randy Suico kontra sa isang Indonesian sa Cebu City. Ito ay isa na namang promosyon ni Wakee Salud.
Nai-promote na rin ni Salud si Suico noong isang taon at noong 2001.
Umaasa sina Koizumi na magiging matagumpay ang pagdedepensang ito ni Suico upang mapalakas ang kanyang tsansa na masabak sa isang world title fight oras na mabakante ang World Boxing Council superfeather-weight division sa pag-akyat ni Erik Morales sa lightweight class sa isang taon.