PBL 2004 Unity Cup: Makaahon sa hukay asam ng Lee Pipes

Ang muling makaahon sa hukay at makaiwas sa maagang bakasyon ang nasa isipan ngayon ni coach Sandy Arespacochaga at ng Lee Pipes-Ateneo sa pagharap nila sa paboritong Welcoat Paints sa paglarga ng PBL 2004 Unity Cup sa kanilang tahanan, ang Blue Eagles Gym.

Ang duwelo ay magaganap sa alas-4 ng hapon matapos ang pagtitipan ng Toyota Otis-Letran at Montana Pawnshop sa isa pang importanteng sultada sa ika-2 ng hapon.

Matapos iposte ang unang dalawa nilang tagumpay, ang Lee Pipes ay nakatamo ng 64-65 pagyuko sa Blu Star Detergent kamakalawa, na nagbagsak muli sa kanila sa kailaliman ng standings dala ang 2-6 rekord.

Ang Blue Eagles ay may isang buong larong pagkakahuli sa Knights, Jewels at Detergent Kings na kasalukuyang magkakasosyo sa ika-5 puwes-to. Sila ay mayroong natitirang 2 asignatura -- kabilang ang larong ito-- na kinakailangan nilang walisin upang maiwasan na maging isa sa 2 koponang agad na mamamaalam sa kontensyon.

Sa kabilang panig, ang Welcoat, tangan ang 6-2 baraha, ay nakasisiguro na ng direktang pagpasok sa kasunod na yugto ng torneo. Sila at ang nangunguna ngayong Viva Mineral Water-FEU ang siyang nakasungkit ng 2 awtomatikong semifinals slot.

Subalit dahil ang bilang ng panalo at talo na kanilang malilikom sa eliminasyong ito ay dadalhin sa Final 4, na isang double round-robin affair, tiyak na ibubuhos pa rin ng Paint Masters ang kanilang buong lakas upang ma-naig at mapalawig ang kanilang naturang marka.

Samantala, ang makalapit sa pagkopo ng No. 3 at No. 4 seed ang asinta ng Toyota at Montana sa pagsasagupa nilang ito. (Ulat ni Ian Brion)

Show comments