Maghaharap ang Paint Masters at Detergent Kings sa tampok na larong itinakda sa ika-4 ng hapon o matapos ang pagsasalpukan ng defending champion Hapee Toothpaste at Montana Pawnshop sa bandang alas-dos.
Tangan ang kartadang may 6 na panalo at isang kabiguan, ang Welcoat ay may kalahating larong pagkakahuli sa Viva Mineral Water-FEU, na pansamantalang nasolo ang trangko matapos ang 77-64 demolisyon nito sa Toyota Otis-Letran noong Sabado.
Ang panalo sa labang ito ng Paint Masters, na magbubuhat sa 83-81 pag-ungos sa Knights noong Huwebes, ay hindi lang magbibigay sa kanila ng pakikisosyo sa tuktok ng standings kundi maglalagay din sa isa nilang paa sa isa sa dalawang awtomatikong upuan sa semi-finals, kung saan ang kinakailangan na lang nila at ng Water Force, ay mabigo ang Teeth Sparklers sa isa sa mga susunod nitong laro upang ganap na makopo ito.
Ang top 2 team matapos ang intra-inter eliminations na ito ay direktang uusad sa final 4 habang ang kasunod na apat na koponan (no.3-no.6) ay magdaraan sa playoff phase.
Sa pangunguna ng league-leading scorer na si Jojo Tangkay kasama sina Ariel Capus, Marvin Ortiguerra at Chester Tolomia, ang Paint Masters ay umaasang kanilang mauulit ang ginawa nilang 76-60 pag-lampaso sa Detergent Kings sa nakalipas nilang pagtatagpo noong Marso 30.
Dahil sa iisang panalo pa lang ang kanilang naitatala sa 6 na pagsalang, ang Blu Star ang siyang ngayoy nasa kailaliman ng liderato at kina-kailangan na nilang umpisahan ang kanilang pag-ahon kung nais nilang manatili sa kontensyon at makaiwas sa maagang bakasyon.
Samantala, ang makabawi sa magkatalikod na kabiguan, kabilang ang 81-87 pagkapahiya sa Lee Pipes-Ateneo noong nakalipas na Martes, ang puntirya ng Hapee sa pagpalaot nilang ito. Ang Teeth Sparklers ay kasalukuyang may 3-3 rekord, 1 laro ang abante sa makakasagupa nilang Jewels.
(Ulat ni Ian Brion)