Bagong bihis na Welcoat ipakikilala sa kanilang fans day sa Pasig

Ipakikilala ng bagong bihis na Welcoat Paints ang kanilang karagdagang manlalaro sa kanilang line-up sa gaganaping Fans Day ng koponan sa Sabado sa Pasig Sports Center.

Mangunguna sa koponan ng Welcoat ngayong taon ang bagong recruit na si Dino Aldeguer, Fil-Am guard Donald Dulay, Dominic Uy at ang dating PBA players na sina Chester Tolomia at Marvin Ortiguerra.

Ang mga nabanggit ay makakasama ng mga beteranong sina Jojo Tangkay, JR Reyes, Ariel Capus, Melvin Mamaclay, Christian Guevarra at Rodel Celo.

Magsisimula ang aktibidades sa alas-2 ng hapon.

Ang five-foot na si Aldeguer ay hinugot ng Welcoat mula sa Viva Mineral Water-FEU at ang 5-foot-5 na si Dulay ay inaasahang pupuno sa binakanteng puwesto nina Paul Artadi at Mac Cuan na ngayon ay naglalaro na sa pro league.

Walong manlalaro ng Welcoat, runner-up sa Fash Liquid Detergent sa Platinum Cup noong nakaraang buwan ang nawala sa kanila dahil sa pag-akyat ng mga ito sa pro ranks na kinabibilangan ng kanilang top gun na si James Yap, Mark Pingris, Ervin Sotto, Nelbert Omolon at Willie Wilson.

Show comments