Salazar, Gamo umakyat sa finals

XINJIANG, China -- Isang sorpresang pagbabago ng kapalaran ang naganap noong Linggo sa kampanya ng RP Revicon Team nang dala-wang finals berth ang kanilang nasungkit at nagseguro sa Filipinos ng hindi bababa sa dalawang silver medals sa 2003 Xinjiang International Boxing Championships dito.

Pinakitaan ni light flyweight Lhyven Salazar ang mga Filipinos ng impresibong performance nang kanyang igupo ang Pakistani na si Naumar Karim sa puntusan, 27-12 upang ipaghiganti ang masaklap na kabiguan ng teammate na si Violito Payla sa nasabi ring Pakistani na kalaban sa quarterfinals ng Busan Asian Games noong nakaraang taon nang ang nabanggit na fighter ay kumampanya sa mas mataas na timbang at nagbulsa ng silver medal.

Taliwas kay Salazar na kinailangang munang magpawis sa laban, tali-was naman sa bantamweight na si Ferdie Gamo na naghatid sa Filipinos ng two-for-two para sa national team aspirants na nakarating ng finals na hindi na kinailangan pang mag-angat ng kanyang mga kamay. Siya ay pinagkalooban ng panalo sa semis makaraang ang lahok ng China na si Li Yang ng Biejing ay nabigong umakyat sa ibabaw ng lona sanhi ng kanyang injury at siya ay natalo sa pamamagitan ng default.

Sasabak ang Filipinos na ipinadala rito ng Philippine Sports Commission, Pacific Heights, Accel at Family Rubbing Alcohol para sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) training program para sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Disyembre at sa Olympic qualifying tournament sa Philippines sa Enero ng susunod na taon sa gold kontra sa miyembro ng Chinese national squad sa Lunes ng gabi.

Haharapin ni Salazar si Zao Shiming sa unang laban, habang makikipagbasagan naman ng mukha si Gamo kontra Zhang Yizheng sa ikatlong laban ng 11-nation, 14-team tournament na ito.

At sa unang tunog pa lamang ng kampana, agad na nagrehistro si Salazar ng sorpresang 1-2 combinations na nagdala sa Pakistani sa corner sa halos karamihan ng round na nagpuwersa sa mga judges na pindutin ang button para iskoran si Salazar. At sa break, angat na si Salazar ng anim na puntos, 7-1.

At sa sumunod na dalawang rounds, mas lalong naging agresibo si Salazar nang muling magpakawala ng straight-cross combination bago nagkampante at nagpasayaw-sayaw na lamang nang maglunsad ng desperadong atake si Karim at nabigong kumunekta ng score.

Show comments