RP archers pumana ng medalya

Pumana ang RP archers ng tig-isang medalyang ginto, pilak at tanso upang makinang na buksan ang kampanya sa pagsisimula kamakalawa ng 2002 1st Asian Grand Prix Archery Tournament sa Bangkok, Thailand.

Namuno sa atake ng siyam-kataong Pambansang koponang lalaki at babae ng RP si Janina Bianca Ortiz na nakapalaso ng gold medal sa FITA International Archery Federation women’s individual compound.

Umiskor ang 20 anyos na si Ortiz ng 625 puntos sa double 70 meters na 319 at 306 upang makubabawan ang 618 at 591 ng mga taga-Singapore na sina Bea Wah Tan at Yoka Sim Leong na mga nakakopo ng silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Silver medal ang dineliber ni Raul Arambulo, na pumangalawa kay Singaporean Eugene Kwong Kok Song na may kagaya niyang 659 puntos sa men’s individual compound kung saan ang bronze ay napasakamay ni Vision Heng Fook Hup na kalahi ni Song na may 654.

At ang bronze naman ay kontribusyon ng 38-anyos na Dumagueteña na si Jennifer Chan (627) sa women’s individual recurve kung saan ang 1-2 finish ay dinale nina Sui Mon Rodee ng Malaysia (636) at Yukasi Kawasaki ng Japan (636).

Ang tatlo pang panabak ng ‘Pinas na sina Rachelle Ann Cabral ay pampito, 17th naman si Jed Santiago Roa at 19th sa event ni Arambulo.

Nasa 4th place ang RP men’s compond team at ang men’s recurve squad ay No. 5.

Show comments