Ikinasama ng loob ni PSC Chairman Eric Buhain ang pag bypass na ginawa ng POC sa kanyang ahensiya.
Ayon kay Buhain, nabigla ito nang malamang bumuo ang POC ng isang technical Commission para sa preparasyon ng Southeast Asian Games (SEAG) para sa Vietnam SEAG.
"We would like to have an explanation. Kung hindi worthy ang explanation ay bahala na sila sa paghahanda ng SEA Games," pahayag ni Buhain na panauhin sa unang sesyon ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum para sa taong 2003 kahapon sa Holiday Inn.
"Dapat inisip nila (POC) na kami ang gumagastos sa SEA Games before they came up with such thing," dagdag pa ni Buhain na may galit ang tono. Idinagdag ni Buhain na hindi isinaalang-alang ni dating PSC Commissioner at POC President Celso Dayrit ang isinasaad ng PSC Charter na ang naturang ahensiya ay may visiting at supervisory power.
Lingid sa kaalaman ng PSC, pinalitan ng POC ang dating PSC-POC Task Force na nangangasiwa sa preparasyon ng bansa para sa 2005 SEAG.
Itinalaga ng POC sa kanilang nilikhang Technical Commission sina Steve Hontiveros, Tom Carrasco, Donnie Altura, Julian Camacho at POC secretary-general Romeo Ribaño.
Ayon naman sa isang mataas na opisyal ng POC, kailangang lumagay sa tamang lugar ang PSC at ito ay ang hanapan ng pondo at suportahan ang Pambansang atleta.
"Its time to put our self in proper order. It is purely a POC matter when it comes to all international tournaments. They (PSC) should work on what is mandated to them while we do our own job," wika ng opisyal na ayaw magpakilala. "Hindi naman sila puwedeng kumuha ng accreditation kundi ang POC lang."
Nagbanta si Buhain na idederetso na lamang ng PSC sa mga atleta, coaches at NSAs ang kanilang ibibigay na suporta kung tuluyang magsasarili ang POC. (Ulat ni CVOchoa)