Deadline ng NBN pinalawig ng PBA

Pinalawig pa kahapon ng PBA Board of Governors ang pagbibigay ng deadline sa government network NBN na makapagsumite ng Letter of Credit para sa coverage ng kanilang unang taon na franchise fee na P200 milyon mula sa P670 milyon na tatlong taong kontrata kung saan inilarawan ito ng isang board representative bilang breakfast meeting na naging ‘zarzuela.’

Gayunpaman, sinabi ni PBA Chairman Butch Alejo na ang naturang kahilingan ay sinang-ayunan naman ng board bilang konsiderasyon dahil sa limitadong oras upang makakuha ng LC at ayon sa kanila ito ay resonable.

Ito na bale ang ikaapat na extension na ipinagkaloob sa government network na nauna ng ipinababasura ng powerhouse consortium na inilagay ni dating rights holder Carlos ‘Bobong’ Velez ng Vintage Enterprises Inc., at ng outgoing coveror Viva Sports of Entertainment na si Vic del Rosario.

Ang naunang desisyon ay nawalan ng bisa sanhi ng 5-2 unanimous decision ng Board na pigilan ang NBN kung sakaling ang nabanggit na network ay mabigong makapagsumite ng LC o bank guarantee ng hindi lalampas sa alas-5 ng hapon noong Dec. 23.

Ngunit pinangunahan ng San Miguel Corporation, may ari ng apat na koponan mula sa 10-team league ang naturang hakbang upang igawad ang broadcast award sa pinagsamang lakas ng NBN at sequestered network IBC-13, at muli nilang pinangunahan ang panibagong extension sa isang botohan kung saan ang Shell, Sta. Lucia Realty at Red Bull ay bumoto rin na pabor sa network.

Ang Alaska at Mobiline ay bumoto na kontra para sa extension kung saan nakipagtalo sila dahil ang NBN ay nabigong makatugon sa huling deadline noong Dec. 23. Hindi naman nakadalo ang kinata-wan ng FedEx na si Lito Alvarez sa krusiyal na meeting kung saan ayon sa kanya ito ay na-postponed sa huling sandali mula sa orihinal na luncheon noong Huwebes. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments