Tangka ng Shark na muling igupo ang kanilang sister-team Blu Sun Power sa alas-5 ng hapong engkuwentro, habang pipilitin naman ng Kutitap na mabawian ang ICTSI-La Salle sa alas-3 ng hapong labanan.
Walang hirap na nakapasok ang Shark sa semis round matapos na magwagi ang Blu at Ateneo-Hapee-Negros Navigation noong naka-raang Biyernes.
Ngunit para sa Power Boosters na nag-iingat ng 6-5 kartada, hindi ito nangangahulugan na pabor sa kanila ang laro ngayon, dahil sa pag-kakataong ito, kailangan nila ng ibayong kayod kung nais nilang ma-duplika ang 87-60 pamamayani noong nakaraang Abril 26.
"Nagpapasalamat kami, but we cant give this game to return the favor as we also need to win as many games to strengthen chances for a fifth finals appearance," ani Shark coach Leo Austria na aasinta ng five-of-eight incentive para sa second finals berth.
Ang 5-of-8 incentives ay ipagkakaloob sa koponan, bukod sa top two, na magkakaloob sa kanila ng tsansa na makakuha ng playoff para sa second best team para sa isa pang finals slot.
Itinala ng Kutitap ang 92-84 panalo kontra John-O noong Lunes sa kanilang do-or-die game upang kumpletuhin ang cast ng semis ay aasinta rin ng 5-of-8 incentive upang palakasin ang kanilang tsansa sa finals. At bilang panimula, sisikapin ng Teeth Sparklers na makapaghiganti sa 75-82 kabiguang nalasap kontra sa La Salle noong nakaraang Abril 29.