Kazakhs durog sa Gilas Women

MANILA, Philippines — Kaagad nagparamdam ng puwersa ang Gilas Pilipinas Women matapos patumbahin ang Kazakhstan, 86-58, sa pagdribol ng 20th Asian Games women’s 5x5 basketball tournament kahapon sa Aichi International Arena sa Japan.
Bumanat si naturalized center Elizabeth Means ng team-high 23 points kasama ang tatlong three-point shots para banderahan ang World No. 30 Gilas Women sa 1-0 record kontra sa No. 69 Kazakhstan sa Group B.
Kumolekta si Fil-Am point guard Stefanie Barbarabe ng 11 points, walong assists, limang steals at apat na rebounds para sa tropa ni Canadian coach BT Toews.
“I think the big focus for us was defense and rebounding, especially with their (Kazakhstan) size,” ani Barbarabe. “I just love playing for the Philippines ‘coz their so gritty and so physical.”
Sumikwat din ang mga Pinay cagers ng 26 steals bukod sa 10 triples laban sa matatangkad na Kazakhs players.
Pinadapa ng Gilas Women ang Kazakhstan, 83-59, sa pagbubukas ng aksyon sa 2022 Asiad sa Hangzhou, China kung saan tumapos ang mga Pinay sa fifth place nang matalo sa South Korea sa quarterfinals.
Sa pagsisimula pa lamang ng first period ay naging agresibo na ang mga Pinay dribblers para itayo ang 16-5 abante tampok ang dalawang sunod na triples ni veteran guard Janine Pontejos.
Mula rito ay tuluyan nang nabaon ang Kazakhstan sa halftime, 32-49.
Nakalayo ang Gilas Women sa pagpoposte ng 36-point lead, 76-40, sa pagtatapos ng third quarter patungo sa 83-50 kalamangan mula sa floater ni Angel Surada sa huling 2:42 minuto ng final canto.
Target ng Gilas Women ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa No. 105 Hong Kong sa Linggo sa alas-9 ng umaga.
- Latest


















