EDITORYAL - Problema sa mga pekeng dokumento
NAGSAGAWA kamakailan ang National Bureau of Investigation (NBI) nang malawakang imbestigasyon sa umano’y mapanlinlang na pagkuha ng Philippine birth certificates, passports at iba pang dokumentong ginagamit bilang patunay ng Filipino citizenship.
Hindi lamang ang mga may hawak ng kuwestiyonableng dokumento ang target ng imbestigasyon kundi pati ang mga taong posibleng nasa likod ng paggawa at pagproseso nito.
Ang pekeng birth certificate o passport ay hindi basta lumilitaw. Kung may organisadong pandaraya, maaaring may fixer, pekeng notary, facilitator o opisyal na tumulong upang magmukhang lehitimo ang isang dokumento.
Kaya hindi sapat na kumpiskahin lamang ang dokumento at kasuhan ang gumagamit nito. Kailangang malaman kung paano ito nailabas at sino ang kumita o nakinabang.
Mahalaga ito dahil ang pekeng Filipino identity ay maaaring gamitin sa mas malalaking bagay.
Puwede itong gamitin sa pagbili ng lupa, pagkontrol ng negosyo, pagtatago ng tunay na may-ari ng kompanya, transaksiyon sa gobyerno o maging paghawak at pagtakbo sa public office.
Hindi rin bago ang problemag ito.
Noong mga nakaraang taon, iniulat ang paglabas ng daan-daang pekeng birth certificates sa isang civil registrar’s office sa Davao del Sur, na nagbukas ng tanong kung gaano kalalim ang butas sa civil registration system.
Bakit nagpapatuloy ang operasyon na ito at hindi maputol-putol ang ugat? Masyadong malawak na ang sindikato at marami nang mga sanga at sa pagdaan ng panahon ay patuloy ang pag-usbong.
Ito ang dapat na matukoy ng mga awtoridad.
Pero habang pinalalawak ang imbestigasyon, mahalagang malinaw din ang hangganan nito.
Ang pagiging dayuhan, pagkakaroon ng foreign-sounding surname, ibang wika o delayed birth registration ay hindi awtomatikong ebidensiya ng pandaraya. Mismong NBI ang nagsabing kailangan ng malinaw at independently verifiable indication bago buksan ang full investigation.
Dapat habulin ang mga pekeng dokumento, pero mas mahalagang habulin ang sistemang gumagawa sa mga ito. Kung hindi mapapanagot, pauli-ulit na lang ang problema.
Sa citizenship fraud, ang tunay na tanong ay kung sino ang gumawa, nagproseso, nagbayad at nakinabang sa pandaraya.
- Latest















