^

PSN Opinyon

Muling buksan ang mga pahina ng kaalaman

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

Noong wala pang smartphones, social media at walang katapusang pag-scroll sa internet, iba ang libangan ng maraming Pilipino. Kapag umaga, may hawak na diyaryo ang ating mga magulang at lolo’t lola habang humihigop ng kape. Sa hapon naman, may nagbabasa ng pocket­book sa balkonahe o sa ilalim ng puno. Pagsapit ng gabi, sama-samang nanonood ng telebisyon ang buong pamilya at nakikinig ng balita o drama sa radyo.

Ngayon, tila nagbago na ang lahat.

Mas madali nang kumuha ng impormasyon sa loob lamang ng ilang segundo. Isang pindot lang, mababasa agad ang gusto nating malaman. Ngunit kasabay ng bilis ng teknolohiya, tila unti-unti ring nawala ang hilig ng marami sa mas malalim na pagbabasa at mas makabuluhang pagtanggap ng impormasyon.

Nakakalungkot isipin na marami sa kabataan ngayon ang hindi pa nakahawak ng isang nobela, pocketbook o dyaryong papel. Mas kilala nila ang mga viral video kaysa sa mahuhusay na akdang pampanitikan. Mas matagal ang oras sa panonood ng maiikling content kaysa sa pagbabasa ng isang buong artikulo o kuwento.

Hindi naman masama ang teknolohiya. Malaki ang naitutulong nito sa ating pang-araw-araw na buhay. Ngunit sana’y hindi nito tuluyang mapalitan ang mga nakasana­yang paraan ng pagkatuto at paglilibang na humubog sa maraming henerasyon ng Pilipino.

Ang pagbabasa ng libro ay nagpapalawak ng kaalaman at imahinasyon. Ang diyaryo naman ay nagtuturo ng pagiging mulat sa mga pangyayari sa bansa at sa buong mundo. Ang mga pocketbook ay nagbibigay ng aliw habang nahahasa ang kakayahang umunawa at mag-isip. Samantala, ang telebisyon at radyo ay nagsisilbing bintana ng impormasyon at libangan na nagbubuklod sa pamilya at komunidad.

Sana ay muling maibalik ang kultura ng pagbabasa sa bawat tahanan. Sana ay makita nating muli ang mga kabataang may dalang libro sa halip na laging nakatitig sa cellphone. Sana ay maglaan ng oras ang mga magulang upang hikayatin ang kanilang mga anak na magbasa, manood ng makabuluhang programa at makinig sa mga impormatibong palabas sa radyo.

Hindi kailangang talikuran ang makabagong teknolohiya. Ang mahalaga ay magkaroon ng balanse. Dahil sa bawat pahinang binabasa, balitang sinusubaybayan at programang pinakikinggan, mas lumalawak ang ating pag-unawa sa mundo.

SOCIAL MEDIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with