^

PSN Opinyon

Online scam: Ang bagong mukha ng kriminalidad

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

May panahon na madaling makilala ang isang kriminal. Nakamaskara, may dala-dalang armas, at lantaran ang paggawa ng krimen. Ngunit sa kasalukuyan, nagbago na ang mukha ng kriminalidad. Nagtatago na ito sa likod ng cellphone, computer, at internet connection. Isang pindot lamang ng daliri at maaari nang tangayin ang perang pinaghirapan ng isang tao.

Halos araw-araw ay may nabibiktima ng online scam. May naloloko sa pekeng investment, may nabibiktima ng online lending app, at may nawawalan ng ipon dahil sa mga text at mensaheng kunwari ay mula sa bangko o lehitimong kumpanya. Dahil sa husay ng teknolohiya, mas nagiging sopistikado rin ang mga manloloko. Ang nakalulungkot, madalas na nahuhuli ang mga biktima dahil sa pangakong madaling kita o sa takot na mawala ang kanilang account at personal na impormasyon.

Kamakailan lamang, muling naungkat ang lawak ng problemang ito sa pagkakadakip sa daan-daang dayuhan sa Zamboanga Sibugay na pinaghihinalaang sangkot sa mga ilegal na online operation. Kasama sa mga nakumpiskang kagamitan ang libu-libong cellphone, computer at iba pang teknolohiyang maaaring ginagamit sa panlilinlang. Ipinapakita nito na hindi na maliliit na grupo lamang ang nasa likod ng mga online scam. Organisado na ang mga ito at may sapat na kagamitan upang makapambiktima ng marami.

Hindi lamang pera ang nawawala sa mga nabibiktima ng scam. Kasama ring nawawala ang tiwala ng publiko sa digital transactions. Sa panahong hinihikayat ang paggamit ng online banking, e-wallets, at digital services, nagiging hadlang ang lumalalang cybercrime sa pag-abot ng mas modernong lipunan.

Kaya naman hindi sapat na maghabol lamang ng mga suspek pagkatapos ng insidente. Kailangang sabayan ito ng mas matinding kampanya sa edukasyon at digital literacy. Dapat matutong suriin ng bawat Pilipino ang bawat mensaheng natatanggap, iwasang magbigay ng personal na impormasyon, at magdobleng beripikasyon bago magpadala ng pera o mag-click ng anumang link.

Sa laban kontra online scam, ang teknolohiya ay maaaring maging sandata ng mga kriminal. Ngunit maaari rin itong maging sandata ng mamamayan kung gagamitin nang may sapat na kaalaman at pag-iingat.

KRIMINAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with