Leadership fund ilegal

Ilegal at labag sa konstitusyon ang pork barrels. Pinasya ito ng Korte Suprema nu’ng 2013.

Ilegal ito dahil naibubulsa ng mga mambabatas. Unconstitutional dahil binibigyan ang mga mambabatas ng poder na gumasta na parang Executive Branch.

Tatlo ang katangian ng pork barrels:

• Lump sums o pare-parehong halaga para sa mga mambabatas;

• Discretionary o para sa paboritong proyekto;

• Pinapatupad ng mga mambabatas imbis na Executive Branch.

Country-wide Development Fund ang unang tawag sa pork barrels. Pinalitan ng Priority Development Assistance Fund. Tapos, naging Development Acceleration Program. Halaga: P200 milyon kada senador, P70 milyon kada kongresista.

Nu’ng binawal ito ng Korte, ginawa na lang insertions ng Kongreso sa budgets ng DPWH, DA, DOTr, at atbp.

PNA file photo

Nu’ng 2024-2025 tinawag na Leadership Fund ang DPWH pork barrels ng Senado. Inamin ni DPWH ex-secretary Manuel Bonoan na naglaan siya ng P24 bilyon para sa 24 senador.

Pinakamababang maaring makuha ng bawat senador ay P500 milyon. Pinaka-malaki ang kay noo’y-Senator Bong Revilla – P1.5 bilyon bilang chairman ng committee on public works. Nasa diskresyon ni noo’y Senate President Juan Miguel Zubiri kung kani-kanino at tig-magkano ang ipapamahagi.

Walang masama sa leadership fund, ani Bonoan. Ganun din ang sinabi ni Zubiri.

Mali sila. Batay sa 2013 desisyon ng Korte, malinaw na pork barrels ang tig-P500 milyon-P1 bilyong leadership fund.

Dapat kasuhan si Bonoan at 24 senador nu’ng 2024-2025.

***

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments