‘Tigre nagging maamong kuting’
Naglabas ng warrant of arrest ang Quezon City RTC laban kay Vice President Sara Duterte sa kasong grave threats nitong Biyernes. Agad siyang nagtungo sa korte upang maglagak ng piyansa, ngunit higit na tumatak sa publiko ang kanyang mga pahayag na “I do not feel safe… Pakiramdam ko papatayin nila ako. Wala akong tiwala sa pulis, wala akong tiwala sa korte.”
Hindi nagustuhan ni VP Sara ang utos na dumaan sa hagdan patungo sa ikalimang palapag kasama ang media. Sinabi niya sa kanyang abogado na baka siya ay mapahamak o matulad sa nangyari noon. Nagtanong siya kung naaalala ng kanyang abogado na si Ninoy Aquino ay namatay sa hagdanan sa airport. Tanong pa niya..”sinong sasagot kung mamatay ako mamayang gabi.”
Dahil dito, hindi nakaligtas si VP Duterte sa matitinding puna. Ayon sa mga kritiko, hindi siya biktima kundi isang opisyal na dapat managot sa kanyang mga pahayag at aksyon. Ang kanyang pag-angkin ng takot ay nakikita ng ilan bilang pagtatakip sa mas mabigat na usapin ng pananagutan. Ito raw ay tanda ng pagkakagapi. Para sa iba, taktika ito upang makuha ang simpatya.
Pati ang pangalan ni Ninoy ay nadamay. Hindi maihahambing si Duterte kay Ninoy sapagkat si Ninoy ay tunay na biktima ng estado, samantalang si Duterte ay nakaharap sa kasong bunga ng sarili niyang mga salita. Pumalag din ang Liberal Party sa naging pahayag ng Bise Presidente. Ayon sa partido, si Ninoy ay umuwi upang ipaglaban ang demokrasya at hindi upang tumakas sa responsibilidad.
Ang mga salita ni VP Sara ay nagsilbing alarma, ngunit sa mata ng mga kritiko, ito’y hindi kwento ng isang biktima kundi ng isang opisyal na dapat managot. Ang dating matapang na nagsalita tungkol sa pag-upa ng assassin laban sa Pangulo ay ngayo’y nagsasabing takot siyang mamatay. Ang dating palaban na tigre ay naging maamong kuting.
- Latest


















