EDITORYAL — No work, no pay
MAHALAGA ang paalala ng Supreme Court sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh kamakailan kung saan hindi sapat ang pag-absent sa trabaho para sabihing inabandona na ng empleyado ang kanyang hanapbuhay.
Nag-ugat ang kaso sa isang production utility worker na idineklarang AWOL matapos lumiban ng ilang araw dahil umano sa pagkakasakit. Nang bumalik siya sa trabaho, hindi siya pinapasok. Dinala niya ang kaso sa labor tribunal. Natalo sa Labor Arbiter, NLRC at Court of Appeals, ngunit binaliktad ito ng SC.
Nilinaw ng SC na may dalawang kailangang patunayan sa abandonment: una, ang empleyado ay absent nang walang sapat na dahilan; at ikalawa, malinaw na may intensyon siyang putulin ang ugnayan sa employer. Mas mahalaga ang ikalawa. Hindi sapat na hindi pumasok ang manggagawa. Kailangang may kilos o ebidensiyang nagpapakitang ayaw na niyang bumalik sa trabaho.
Sa kasong ito, sinabi ng Korte na kahit may unauthorized absences ang empleyado, hindi napatunayang gusto niyang talikuran ang kanyang kabuhayan. Sa katunayan, nagtangka siyang bumalik sa trabaho at agad na naghain ng reklamo nang hindi na siya pinapasok. Kaya ilegal ang kanyang dismissal. Gayunman, hindi rin siya binigyan ng back wages dahil kinilala ng Korte na may pananagutan pa rin siya sa pagliban. Tamang balanse ito. Hindi sinasabi ng Korte na puwedeng balewalain ng manggagawa ang patakaran. Ang sinasabi nito: hindi puwedeng gawing shortcut ng mga employer sa tanggalan ang pag-AWOL. Dapat may due process, sapat na ebidensya, at patas na parusa. Dito mas matalim ang tanong: kung ang ordinaryong manggagawa ay kailangang magpaliwanag sa ilang araw na pagliban, bakit maluwag ang pananagutan ng ilang opisyal na ang suweldo ay mula sa taumbayan?
Ayon sa report, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay may 31 absences sa 58 session days ng Senado at hindi nakadalo sa mga sesyon mula Nobyembre 2025. May ethics complaint ding inihain laban sa kanya dahil sa matagal na pagliban. May panukala rin ngayon na ipatupad ang “no work, no pay” sa matataas na opisyal ng gobyerno na absent nang walang malinaw na dahilan o proper leave.
Makatarungan lang ito. Sa ordinaryong empleyado, ang hindi pagpasok ay maaaring mauwi sa kaltas, suspension, notice to explain, o tanggalan. Hindi pareho ang labor law ng empleyado at ang patakaran sa halal na opisyal. Pero pareho ang moral na sukatan: may trabaho, may pananagutan. Mas mabigat pa nga ang tungkulin ng public official dahil hindi pribadong kompanya ang nagpapasuweldo sa kanya kundi taumbayan. Kaya dapat malinaw ang patakaran sa attendance, leave, salary deduction, at sanctions para sa mga opisyal. Hindi sapat ang pangalan sa balota. Kung mahigpit ang sistema sa ordinaryong manggagawa, mas dapat mahigpit ito sa mga nasa kapangyarihan. Dahil sa huli, ang tunay na AWOL ay hindi lamang pagliban sa opisina. Ito ay pagliban sa pananagutan.
- Latest















