OFWs tumatagal sa UAE
Ang United Arab Emirates (UAE) ay matagal nang isa sa mga bansang pangunahing destinasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Sa taong 2025, ito rin ang nangungunang bansa kung saan pinakamaraming Pilipino ang na-deploy, na may humigit-kumulang 397,892 land-based na OFW deployment, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Migrant Workers ng Pilipinas, higit pa sa Saudi Arabia sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng modernong migrasyon ng mga Pilipino.
Katulad ng mga kababayan natin sa Amerika, Canada, United Kingdom, Europe, New Zealand at Australia, maraming Pilipino sa Middle East, partikular sa UAE, ang nananatili roon nang ma-
raming dekada. Hindi lamang pansamantalang trabaho ang kanilang hanap; marami ang bumubuo ng pamilya, nagpapaaral ng kanilang mga anak, at nagsisikap na mapabuti ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtitiyaga at ma-
tibay na pangarap. Sa isang survey ng Filipino Times, pito sa sampu ang nagsabing nakakita sila ng malaking pagtaas ng sahod sa nakalipas na limang taon, na nagbigay sa kanila ng mas malaking purchasing power at kapasidad upang mamuhunan sa ari-arian, negosyo, o iba pang uri ng asset.
Isa sa mga pangunahing atraksyon ng UAE ay ang kawalan ng income tax sa sahod pati na rin ang oportunidad na umangat sa karera sa iba’t ibang industriyang mabilis ang paglago. Malaki ang demand sa sektor ng healthcare, hospitality, engineering, at iba pang propesyonal na larangan. Marami sa mga Filipino rito ay high-skilled workers o propesyonal na may mataas na purchasing power, samantalang ang iba ay nasa mid-level at entry positions, na nagtataguyod ng kanilang pamilya at patuloy na nagpapadala ng remittances sa Pilipinas.
Ang long-term visa programs gaya ng “Golden Visa” ay lalong nagbigay ng lakas sa mga Pilipinong gustong tumira nang mas matagal at magpatayo ng pamilya sa UAE, dahilan kung bakit may mga kababayan na naninirahan roon nang mahigit sampung taon hanggang 30 taon o higit pa. Bukod sa trabaho, malaking motibasyon para sa kanila ang kakayahang ipadala ang kita pabalik sa Pilipinas upang pondohan ang edukasyon, kalusugan, at pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya. Maraming pamilya ang pinili na dito palakihin ang kanilang mga anak at dinala na sila mula sa Pilipinas upang magkasama habang tumatagal ang kontrata o residency status.
Hindi rin matatawaran ang social support na kanilang natatamo sa bansang ito. Ang mga simbahan, samahang Pilipino, at mga programang pang komunidad ay nagiging sentro ng pagkakaisa, nagbibigay ng emotional support, at tumutulong sa praktikal na pangangailangan sa araw-araw. Ito ang dahilan kung bakit ang UAE ay hindi lamang lugar ng trabaho kundi tahanan na rin, kung saan nabuo ang matibay na komunidad ng mga Pilipino na nagtutulungan at nag-aambagan sa isa’t isa.
Sa katunayan, kahit merong mga krisis tulad ng pandemya noong 2020 at mga giyera sa Middle East, karamihan ng mga OFW tulad sa UAE ay mas pinipiling manatili dito dahil sa natatamo nilang mga oportunidad dito. Iilan-ilan lang ang napapauwi sa Pilipinas.
Sa pangkalahatan, ang patuloy na pananatili ng mga Pilipino sa UAE ay bunga ng kombinasyon ng mas mataas na kita at pag-asa, malawak na oportunidad sa trabaho, matatag na patakaran ng bansa para sa long-term stay, at sariling desisyon ng mga OFW na gawing tahanan ang Dubai, Abu Dhabi, at iba pang emirates.
* * * * * * * *
Email – r[email protected]
- Latest




















