Mototaxi: Hindi kalaban ang Rider Cap, kalaban ang magulong sistema
Mahigit isang dekada nang hinihintay ng motorcycle taxi riders ang tuluyang pagkilala sa kanilang hanapbuhay bilang lehitimo at permanenteng bahagi ng pampublikong transportasyon. Kaya mahalagang maunawaan na ang registration at rider cap ay hindi hadlang, kundi bahagi ng proseso upang maging maayos, legal at organisado ang industriya.
Hindi bago ang usapin ng pagpaparehistro. Matagal nang pinag-uusapan ang mga patakaran para sa motorcycle taxis, kabilang ang pamasahe, diskwento, kaligtasan at iba pang hinaing ng riders. Ang accreditation at aplikasyon para sa Provisional Authority to Operate ay mga hakbang upang magkaroon ng mas malinaw na sistema.
Simple ang prinsipyo: kung sino ang rehistrado, siya ang dapat mabilang; at kung sino ang mabilang, siya ang dapat maprotektahan. Dito pumapasok ang rider cap—hindi bilang simpleng limitasyon, kundi bilang paraan upang magkaroon ng tamang datos ang pamahalaan tungkol sa bilang ng riders, kita, demand at mga polisiya para sa industriya.
Nakita na ang problema sa kawalan ng malinaw na datos nang magkaroon ng cash assistance program ang DSWD noong fuel crisis. Lumitaw ang diperensya sa bilang ng accredited riders at mga humihingi ng ayuda, na nagdulot ng dagdag na proseso at pagkaantala sa tulong para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kung walang kontrol sa pagdami ng riders, maaari ring sila ang maapektuhan. Kapag mas marami ang naghahanap ng booking kaysa sa demand, maaaring bumaba ang kita dahil sa mas matinding kompetisyon. Hindi lamang kabuhayan ang nakataya kundi pati kaligtasan, dahil mas madaling matukoy at mapanagot ang mga rehistradong rider kapag may insidente.
Hindi kalaban ng riders ang registration at rider cap. Ang tunay na kalaban ay ang sistemang walang malinaw na bilang, rekord at pananagutan. Kung nais ang ganap na legalisasyon ng motorcycle taxi industry, kailangan ang malinaw na patakaran, accountability at pagpapatupad ng regulasyon.
Sa huli, ang layunin ng reporma ay hindi lamang tukuyin kung ilan ang papayagang riders, kundi bumuo ng isang industriyang ligtas, patas at mapagkakatiwalaan ng riders, pasahero at buong publiko. Legalization ang hangad, ngunit accountability ang dapat maging pundasyon nito.
- Latest
















