Malalaking hakbang ng ating henerasyon
Sa family reunion tinanong ng isang binata ang mga magulang, tito’t tita, lolo’t lola: “Paano kayo nabuhay noon? Walang TV, Wi-Fi, Internet, computer, drone, bitcoin, cellphone, Facebook, Twitter, YouTube, Messenger, Instagram, Whatsapp?”
Tumugon ang lolo: “Mahal kong apo, kami noon ay parang kayo ngayon: walang dasal, respeto, pahalaga, personalidad, dedikasyon, karakter, pagmamahal sa sarili, kamalayan, pakumbaba, karangalan, layunin, hangarin.
“Pero pinagpala kaming mga isinilang nu’ng 1920-1975. Pag-uwi mula eskwela, homework muna. Saka pa lang lalabas para maglaro. Ang mga kalaro ay totoong kaibigan, hindi virtual. Gumagawa kami ng sariling laruan. Hindi mayaman ang magulang namin. Binigyan at tinuruan kami ng pagmamahal, hindi mga materyal na bagay.
“Hindi kami nagkaroon ng cellphones, laptop, DVD, video games, personal computers o Internet. Pero meron kaming mga totoong kaibigan. Malapit lang nakatira ang mga kaanak, kaya meron kaming family time. Black-and-white ang mga litrato namin, pero makukulay ang mga alaala na nagugunita sa bawat isa.
“Kakaiba, natatangi ang henerasyon namin. Kasi kami ang henerasyon na nakinig sa mga magulang, at kami rin ang henerasyon na unang nakinig sa mga anak.”
Hinalaw ko ‘to mula sa Internet; salamat sa may-akda. Akma sa naranasan ng henerasyon ko.
Naranasan namin na may operator para sa long-distance calls at ngayo’y video calls sa kahit anong sulok ng mundo. Nanggaling kami sa vinyl records at ngayo’y online music. Mula liham na sulat-kamay tungo sa email at Whatsapp. Panonood ng paligsahan sa radyo o black-and-white TV, at ngayo’y HD TV. Dumaan kami sa walong dekada, dalawang siglo, at dalawang milenya.
- Latest


















