Saang bansa bagay ang CV /resume mo?
Kabilang ang resume o Curriculum Vitae (CV) sa mga pangunahing dokumento na kailangang ihanda ng sinumang nagnanais magtrabaho sa ibang bansa. Bagaman halos pareho ang nilalaman ng mga ito, may mga bansa na may malinaw na pagkakaiba sa gamit at interpretasyon ng dalawang termino. Sa ilang lugar, ang “resume” ay maikli at tuwirang buod ng kwalipikasyon ng aplikante, habang ang “CV” ay mas detalyado at ginagamit sa mga akademiko o research-based na posisyon. Ayon kay Sophie Pettit ng Expatica, magkapareho man sa ubod ang mga nilalaman ng resume saan mang panig ng mundo, nagkakaiba pa rin sa paraan ng presentasyon.
Kaya mahalaga para sa mga aplikante na pag-aralan ang istilo at format ng CV na tinatanggap sa bansang nais pasukan. Hindi sapat na gumawa lamang ng maayos na disenyo gamit ang mga app at website tulad ng Canva o Zety. Kahit gaano pa ito kaayos sa paningin, kung hindi ito tugma sa rekisito ng employer sa ibang bansa, malamang ay hindi rin ito papansinin. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang resume ay karaniwang binubuo ng isa hanggang dalawang pahina at ginagamit sa halos lahat ng propesyon maliban na lamang sa mga larangang akademiko. Hindi kasama sa format nila ang litrato, edad, marital status, hobbies o kahit ang listahan ng references—maliban na lamang kung hinihingi ng employer. Ginagamit din sa resume ang American English at idinidiin ang kaugnayan ng mga nakalipas na karanasan sa inaaplayang trabaho.
Kabilang na rin sa karaniwang bahagi ng resume sa maraming bansa ang email address, at kung akma sa inaaplayang posisyon, maaaring idagdag ang mga professional social media accounts gaya ng LinkedIn, at personal website o online portfolio. Sa mga larangang gaya ng marketing, media, IT, at design, mahalagang maipakita ang online presence bilang patunay ng karanasan at kredibilidad. Gayunman, iwasan ang paglalagay ng personal na social media kung walang kinalaman sa trabaho.
Sa United Kingdom, halos kapareho ng sa Amerika ang format, ngunit mas maluwag sila sa paglalagay ng ilang personal na impormasyon tulad ng hobbies na makakatulong upang maipakita ang personalidad ng aplikante. Mas karaniwan din sa UK ang pagsasama ng cover letter kung saan ipinaliliwanag kung bakit bagay ang aplikante sa posisyong inaaplayan. British English ang ginagamit sa pagsulat ng CV sa UK kaya kailangang gamay din ng aplikante ang tamang baybay at terminolohiya na ginagamit sa lugar. Sa Canada, halos pareho ang pamantayan sa UK ngunit mahalaga ang malinaw na pagpapakita ng parehong soft at hard skills. Bagamat hindi kailangan isama ang salary expectations at references, dapat malinaw ang pagtalakay sa mga kakayahan at karanasang may kinalaman sa trabaho.
Sa Europa, bagamat tinatanggap ang iisang Europass format sa maraming bansa, may mga lokal na pagkakaiba pa rin. May mga bansang pinapayagan ang tatlo hanggang limang pahinang CV, depende sa industriya at seniority ng aplikante. Sa Italy, halimbawa, kailangan pa ring banggitin kung nakapaglingkod sa mi-litar. Ang British English ang karaniwang gamit sa karamihan ng mga bansa sa Europe kaya nararapat ding alamin ng aplikante kung ano ang angkop na wika sa pagsulat ng CV.
Samantala, sa mga bansa sa Gitnang Silangan tulad ng UAE, Qatar, at Saudi Arabia, mas detalyado ang resume. Bukod sa buong pangalan, da-pat ilahad ang palayaw kung meron, pati na ang kumpletong contact details kabilang ang email at Skype account kung mayroon. Isinasama rin ang lahat ng pinag-aralang kurso, antas ng natapos, at petsa ng pagkakatapos. Hindi rin tinatanggal ang mga online o distance education degrees, at mahalagang ipaliwanag ang mga panahong nawalan ng trabaho lalo na kung kulang sa minimum na karanasan.
Sa maraming bahagi ng Africa, kailangang maisama sa CV ang marital status, ID number, bansang pinagmulan, at kung may lisensiyang magmaneho. Kadalasan ay dalawang uri ng CV ang isinusumite—isang maikling profile na isang pahina at isang mas detalyadong bersyon na may kasama nang edukasyon, personal na impormasyon at work experience. Sa pagsulat, British English pa rin ang karaniwang gamit sa mga bansang gaya ng Nigeria, Kenya, at South Africa. Sa mga kasong ito, laging isinasama ang cover letter upang maipakita ang intensiyon ng aplikante at angkop niyang kakayahan sa posisyong inaaplayan.
Sa Southeast Asia tulad sa Japan at South Korea, kalakip ng aplikasyon ang pormal na larawan at karaniwang ginagamit ang mga lokal na template na mahigpit na sinusunod. Sa China, Malaysia, Thailand, Singapore, at Hong Kong, makabubuting magsaliksik muna kung ano ang tinatanggap ng employer o industryang inaaplayan dahil nagkakaiba-iba rin ito.
Mahalaga ring tiyaking walang pagkakamali sa spelling, grammar, at format ng iyong isusumiteng dokumento. Gumamit ng malinaw at propesyonal na file name, karaniwan ay pangalan mo mismo ang isinasama tulad ng “JuanDelaCruz_CV.pdf.”
Ang mga nabanggit na halimbawa ay maaa-ring magbago sa paglipas ng panahon.
Laging mainam na sumangguni sa opisyal na website ng embahada, labor ministry, o recruitment agency ng bansang nais puntahan upang makuha ang pinakabagong impormasyon. Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang pagkakaroon ng matayog na pangarap kung kulang sa tamang paghahanda.
Sa pagsisimula pa lamang ng aplikasyon, kailangan nang ipakita ang kahandaan—at ang resume o CV ang unang salamin ng iyong propesyonalismo.
* * * * * * * * * *
Email – [email protected]
- Latest
















