May posibilidad ba na manalo si dating Presidente Rodrigo Duterte kung tatakbong Bise Presidente o senador sa susunod na eleksyon? Kung ako ang tatanungin, may malaking posibilidad.
Hindi ba kayo nagtataka kung bakit sa kabila ng sandamakmak na alegasyon kay Duterte, hindi natitinag ang kanyang popularidad? Marunong kasing sumakay sa sentimyento ng masa si Duterte.
Ang ikinakaso sa kanyang extra judicial killings ay kinakatigan nang maraming Pilipino dahil ang mga inililigpit ay mga kriminal. Ang pagmumura niya ay nakatuon sa mga personalidad na kinaiinisan ng taumbayan kaya sa tuwing bubukal sa bibig niya ang malalaswang salita, pinapalakpakan pa siya!
Pati nga ang anak niyang si VP Sara Duterte ay nasasangkot sa ‘di maipaliwanag na paggastos sa napakalaking intelligence fund pero itinuturing ng mga bilib sa mga Duterte na ito ay paninira lamang. At mukhang nasa panig ni Sara si President Marcos Jr. Hindi ko masisisi ang Presidente dahil maaaring may pinanghahawakang alas ang mga Duterte laban sa kanya.
Ngayon ay may lumulutang na mga alimuom na may ginagapang na impeachment plan laban kay Sara dahil dito. Nagsalita na si dating Presidente Digong tungkol dito. Aniya, kapag itinuloy ito, mapipilitan siyang bumalik sa pulitika at tumakbo sa pagka-senador o Bise Presidente. Iyan ang psychological war kuno ni Duterte. Hindi na puwedeng tumakbong Presidente si Duterte pero hindi ipinagbabawal ng batas ang pagtakbo ng isang dating Presidente bilang Bise Presidente.
Pero sa tingin ko, matutuwa pa ang Duterte camp kapag may mga nagsulputan pang kontrobersiya laban sa kanila. Alam nila ang underdog mentality ng mga Pinoy. Lalo silang kumakatig at sumusuporta sa taong sa paningin nila ay isang bayani kapag sa pananaw nila, ito ay sinisiraan.