Sa wakas may nahuli ng smuggler ng sibuyas. Si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. mismo ang naghayag sa pagkakaaresto kay Jayson de Roxas Taculog. Naaresto si Taculog sa Batangas. Ipinaaresto siya dahil sa paglabag sa Republic Act 10845 na katumbas ng economic sabotage. Kapag napatunayang guilty, habambuhay na pagkakabilanggo ang naghihintay kay Taculog.
Nakumpiska ng DA, Philippine Coast Guard at Bureau of Customs sa Taculog J. International Consumer Goods Trading ang mga illegal na imported agricultural goods na nagkakahalaga ng P78.9 milyon. Gumagamit umano ng pekeng import permits o shipping documents si Taculog. Kinasuhan siya ng misclassification, undervaluation at misdeclaration ng import entry at revenue declaration. Hindi rin nagbabayad ng tamang buwis o duties si Taculog.
Ang pagkakaaresto kay Taculog ay nangyari, isang linggo makaraang italaga ni President Marcos Jr. na DA Secretary si Tiu. Mahigit isang taon na hinawakan ni Marcos Jr. ang DA. Sa loob ng panahong ‘yun, walang naarestong smugglers ng sibuyas. Sa pamamahala rin ni Marcos Jr. tumaas ang sibuyas na umabot ng P700 per kilo.
Kapuri-puri na may naarestong smuggler ng sibuyas. At least nabawasan ng isa ang mga nagpapahirap sa bansa at mamamayan. Pero maituturing na “maliit na isda” ang nalambat na si Taculog. Marami pang “malalaking isda” na dapat mahuli.
Nang mag-imbestiga ang Senado noon ukol sa talamak na smuggling ng agri products, may mga pinangalanan sila pero walang nangyari. Kabilang sa mga nabanggit ng Senado noon ay si Luz o Leah Cruz na binansagang “Sibuyas Queen”; Manuel Tan na nag-o-operate sa Subic, Cagayan de Oro, at Batangas; Andrew Chang na nag-o-operate sa Subic, Port of Manila, Batangas at Manila International Container Port at Jun Diamante na nag-i-smuggled ng isda. Nasaan na sila?
Hindi lamang sibuyas ang bumabaha sa bansa kundi iba pang agri products gaya ng bigas. At nakadidismayang malaman na kaya dumadagsa ang bigas ay dahil may mga kakutsabang DA officials ang importers. Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), tumatanggap ng regalo ang ilang DA officials sa mga importers. Ito ang dahilan kaya hindi maampat ang pagpasok ng smuggled na bigas.
Sinimulan na ni Secretary Laurel ang pagbasag sa smugglers ng sibuyas, dapat lumawak pa ito at mahuli na rin ang iba pang smugglers na nagpapahirap sa bansa. Kailangang malambat ang “malalaking isda”.