Tuluy-tuloy nga ang pagbuhos ng parangal at rekognisyon para sa ating mga environmental at climate change efforts.
Kamakailan lamang, kinilala ang Makati bilang 2023 CDP A-List City ng Carbon Disclosure Project o CDP. Kabilang na tayo sa elite group ng 119 global cities na nangunguna sa environmental action at transparency sa buong mundo. Hindi basta-bastang organisasyon ang CDP, na isang non-profit na nagpapatakbo ng environmental disclosure system ng mundo para sa mga kompanya, lungsod, estado at rehiyon.
Mahigit 24,000 na mga organisasyon sa buong mundo ang nagsumite ng mga datos sa pamamagitan ng CDP nitong 2023 – kabilang ang listed companies na nagkakahalaga ng two thirds ng global market capitalization – at mahigit 1,100 na mga lungsod, estado at rehiyon. Ganun kalaki ang impact ng CDP at dahil dito ay napakahigpit ng kanilang proseso sa pag-screen at pagpili ng A-List cities. Sa kabuuang 939 na sinuri ngayong 2023, nasa mahigit 10 percent lamang ang nakakuha ng A rating - at kasama ang Makati dito.
Ang A-list rating ay isang patunay na Makati “walks the talk” at may mga solid tayong programa na may kabuluhan at measurable na ambag pagdating sa climate action efforts. Sa Makati, hindi tayo hanggang puro plano lamang, kundi sama-sama talagang kumikilos. Sa pagsusuri ng CDP ay nakitang tapat at matatag ang dedikasyon ng ating lungsod sa pangangalaga sa kapaligiran. Bukod dito ay napatunayang mahusay ang ating pagtugon sa mga pagbabago ng klima habang binabalanse ang mga socio-economic challenge ng isang urban city.
Nagpakita ang Makati ng exemplary performance sa mga aspeto ng public disclosure sa pamamagitan ng CDP-ICLEI Track, comprehensive city-wide emissions inventory, actionable climate plan, detailed climate risk assessments, at ambitious climate adaptation goals. Malaki rin ang impact nito sa nalalapit na COP28 sa Dubai. Ang Makati at ang 118 iba pang A-List cities ang magiging tanglaw na magbibigay-inspirasyon sa ibang mga global city na umaksyon din tungkol sa climate change.
* * *
Proud Makatizens, ramdam na ba ang Pasko? Bukas na nga ang inaabangan ng lahat na Festival of Lights sa Ayala Triangle. Ang makulay at nakakaindak na tradisyong ito ay isang local tourist attraction na 15 years nang nagbibigay kulay at galak tuwing kapaskuhan. Puwede nang pumasyal sa Ayala Triangle simula 6pm hanggang 10pm para panuorin ang “Christmas Nights with Countless Lights at the Ayala Triangle Gardens”. Libre po ito para sa lahat at mapapanood hanggang Jan. 14, 2024.
* * *
Para sa mga empleyado naman ng Makati City Hall, dinig ko ang mga hiyaw n’yo pagkatanggap ng text notification ng pagpasok ng Christmas bonus. Kitang-kita ko ang mga ngiti ninyo at talagang kakaiba ang ningning ng mga mata. Maaga ko nang ipina-release sa 8,185 city government employees ang bonus na umabot sa P569.47 milyon para naman makapagplano na sila ng kanilang Christmas holidays at makapagsimula nang mag-shopping.
Bukod sa bonus, tatanggap pa sila ng karagdagang P11,000 sa Disyembre kapag ni-release ang kanilang P5,000 na productivity incentive at P6,000 na clothing allowance. Dasurv n’yo yan dahil sa inyong sipag, tyaga, at buong-pusong pagsisilbi sa ating lungsod. Paalala lang, ‘wag ubusin lahat ng bonus. Magtabi kayo kahit konti para makapag-ipon. Save for the rainy days, ‘ika nga.