Mismong mga kaalyado ni VP Sara Duterte ang nagsasabing umaambisyon siya mag-presidente. Pinayuhan siya ni retired Col. Hector Tarrazona, mas matanda ng 122 araw kaysa amang Rody Duterte.
Ani Tarrazona, isoli ni VP Sara ang natitirang confidential-intelligence fund (CIF) para ngayong 2023. Kabuoang P650 milyon ‘yon, P500 milyon sa Office of VP at P150 milyon bilang Education Secretary. Huwag na rin tanggapin ni VP Sara ang parehong halaga sa 2024, aniya.
Maraming nagalit nu’ng maglaan ang Malacañang ng CIF kay VP Sara para 2023. Wala naman gan’ung pondo nu’ng anim na taon ni VP Leni Robredo at lalong walang CIF kelan man ang DepEd. Nag-press release si VP Sara na kesyo hindi niya hiningi ang pera. Inaprubahan pa rin ng mga kaalyado niya sa Kongreso ang P650 milyon.
Galit umano kay VP Sara ang mga sundalo’t iba pang unipormado, ani Tarrazona. Kasi binabawasan ng Kongreso ang pensiyon nila, na sa palagay nila’y para magka-CIF ang opisyales.
Para sa mga lihim na gastos ang confidential funds. Para sa sikretong pagmamanman ang intelligence funds. Madaling ibulsa. Quarterly report lang ng pinaggastahan, maski walang resibo, ang hinihingi ng Commission on Audit.
Dapat lang na may CIF ang Dept. of National Defense at Armed Forces, P1.8 bilyon sa 2023 at P1.9 bilyon sa 2024. Gan’un din sa Dept. of Interior and Local Government at National Police, P906.6 milyon sa 2023 at pareho sa 2024. Marami silang lihim na gawain at pagmamanman.
Pero galit ang mga unipormado na mas malaki pa ang CIF ng Presidente, tig-P4.56 billion sa 2023 at 2024. Pati Dept. of Environment ay may CIF, tig-P14 milyon sa 2023 at 2024. Hindi padadaig ang COA na taga-bantay kuno sa CIFs: meron itong tig-P10 milyon sa 2023 at 2024.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).