Ano ang gagawin kung tagsalat?

MAY nakaambang kakapusan sa pagkain at ito ay hindi biro. Hindi na mapigilan ang pagtaas sa halaga ng bilihin kaakibat ng lumolobo ring halaga ng petrolyo.

Kapag ‘di na nakayanan ng transport sector ang sobrang taas na presyo ng petrolyo, dalawang bagay ang puwedeng mangyari: Itataas nila ang halaga ng mga produkto o kaya ay titigil sila ng operasyon. Kapag iyan ang nangyari, apektado ang supply ng pagkain. At kung mayroong kaunting supply sa merkado, hindi na makakayanan ng kakatiting na salaping hawak ng taumbayan.

Unang dapat gawin ay manalanging sasaklolohan tayo ng Diyos upang makaraos sa krisis. Pero may dapat din tayong gawin sa paglutas ng problema dahil ang biyaya ay hindi mahuhulog mula sa kalangitan. Ikonsi­dera natin ang subsistence economy. Ano ba ito?

Sa simpleng paliwanag, magtanim tayo ng gulay sa mga bakanteng lote kasama ng ating mga kapitbahay at kung puwede ay mag-alaga ng mga hayop na puwedeng makain. Maaring pansamantalang solusyon lang ito habang hinihintay nating maging normal ang sitwasyon.

Sa worst case scenario, darating ang punto na mawa­walan na ng halaga ang pera dahil wala sa merkado ang mga bagay na dapat mong bilhin. Kahit ang Presidente ng bansa ay walang magagawa kung hindi magtutulong-tulong ang taumbayan. 

Survival issue na ito. Wala nang puwang ang alitang politikal at pagtatalu-talo. Sabay-sabay tayong maglilis ng manggas at bungkalin ang mga nakatiwangwang na lupa at tamnan ng gulay. Kasama natin ang Diyos.

Show comments