Sa paglipas ng pandemya, tandaan ang mga leksiyon

NAKIKITA na ng mundo ang wakas ng COVID-19. Lahat naman ng pandemya ay lumipas. Tulad ng mga naunang lumaganap, magiging epidemya na lang ito sa ilang lugar o tuwing taglamig – parang flu. Mayorya ng tao ay magiging immune dahil sa bakuna o impekta. Ang mga matitirang tatamaan ay matatanda at sakitin.

Dapat matuto ang mga bansa sa leksiyong iniwan ng coronavirus, anang World Health Organization. At sana makinig ang mga mananalo sa Eleksiyon 2022 sa Pilipinas­, dagdag ng mga voter educators.

Malinaw na sumablay ang Pilipinas. Kinaligtaan ng gob­­yerno ang disaster preparedness na sinimulan ng dalawang nakaraang Pangulohan. Kulang ang mga ospital, ICU beds, at healthcare workers. Mas maraming nag-aabo­gado kaysa doktor o siyentipiko. Mas maraming luma­lagpak kaysa pumapasa sa nursing board exams dahil mahina ang mga kolehiyo. Hindi nagtatag nang maraming ospital o nag-enganyo ang mga kapitalista. Sa halip ginatasan ang PhilHealth kaya lumobo nang bilyun-bilyong piso ang atrasadong reimbursements sa mga ospital at professional fees sa mga doktor.

Mabagal ang pagresponde sa krisis pangkalusugan. Inisip muna na baka mainsulto ang Beijing imbes na bina­walan agad sa Pilipinas ang mga biyahero mula sa Wuhan, epicenter ng outbreak.

Mabagal ang pagkalap ng virus testing kits, surgical masks, at personal protective gear. Inunang balatuhan ang tindahan ng kaibigang Chinese ng Presidente imbes na mga negosyanteng Pilipino. Ginatasan pati ayuda. Walang contact tracing. Mabagal ang pagbakuna. Palpak ang mga “czar”. Nakita ang tanging lakas natin kapag krisis: pag­tutulungan. Kinupkop ng mga maykaya ang kapuspalad, ng amo ang empleyado, at ng magkakapitbahay ang isa’t isa. Patatagin ang kawanggawa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments