Hunyo 12
MALAPIT na ang Hunyo 12. Araw ng Kalayaan. Pista opisyal sa Pilipinas. Mahalaga ang araw na ito. Pero may mahalagang magaganap din sa araw na iyon, kung matutuloy. Ito ay ang makasaysayang pagpupulong ni US Pres. Donald Trump at North Korean leader Kim Jon Un sa Singapore. Ang huling balita ay tuloy na ang pulong, matapos kanselahin ni Trump dahil sa mga umano’y masasamang pahayag ng North Korea.
Makasaysayan ang pagpupulong, kung matutuloy. May alitan ang dalawang bansa dahil sa sunud-sunod na pag-testing ng North Korea ng mga missile. Palayo nang palayo nga ang narating ng mga nasabing missile, na ayon sa ilang eksperto ay may kakayahang magdala ng nuclear na sandata. Sa totoo nga, ang programa ng North Korea sa pagsulong ng nuclear na sandata ang isa sa mga pangunahing tatalakayin sa nasabing pagpupulong.
Nagpahayag si US Defense Sec. Mattis na walang babawiing parusa na may pahintulot ng United Nations hangga’t may konkretong kilos ang North Korea para sa “denuclearization”. Ibig sabihin, dapat may makitang mga hakbang para mabuwag ang programa na inaalagaan nang husto ng North Korea, bilang panabla sa US, kung sakaling magkaroon ng labanan ang dalawang bansa. Inamin na hindi magiging madali ang pagtalakay ng isyu na ito sa isang bansa tulad ng North Korea.
Pero sa mga nakaraang linggo, nagbago nang husto si Kim Jong Un. Nakipagkita ito sa South Korean President, ang kinikilalang kaaway pa rin nito magmula noong Korean War. Sa Demilitaraized Zone pa nga nakipagkita. Bukas nga si Kim na makipagkita kahit kanino ngayon. Maghihintay na lang ang buong mundo kung ano ang mangyayari kapag nagkaharap na ang dalawang pinuno, na ilang buwang nakaraan ay matitindi ang binibitawang salita tungkol sa isa’t isa.
May isa pang isyu na hindi pa nasasagot. Tinatanong umano ng North Korea kung sino ang magbabayad ng kanilang tutuluyan sa Singapore. Alam nating naghihirap ang North Korea dahil sa mga parusang ipinataw ng UN sa kanila. Pero kung may kakayanang magpalipad ng mga missile na malalayo na ang inaabot, hindi ba nila kayang magbayad ng tutuluyang hotel? O dapat lang may magbayad dahil sila ang lumalabas na bisita?
- Latest















