EDITORYAL - Umamin na si Kerwin pero niligtas ng DOJ

MALAKING dagok sa kampanya ni Pres. Rodrigo Duterte laban sa illegal na droga ang pagkakaabsuwelto ng drug dealer na si Kerwin Espinosa at 20 iba pa. At ang matindi, ang mga prosecutor pa ng Department of Justice (DOJ) ang nag-absuwelto sa mga drug lord. Si Kerwin at suspected drug trafficker na si Peter Lim at iba pa ay nilinis ng mga prosecutor ng DOJ dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya.
Kinuwestiyon ng prosecutors na sina Michael John Humarang at Aristotle Reyes ang kredibilidad ng witness na si Marcelo Adorco na naging dahilan para idismis nila ang kaso laban kina Kerwin, Lim at iba pa. Si Adorco ay nag-testify na si Lim ang nagsu-supply ng drugs kay Kerwin. Si Adorco ay badigard ni Kerwin noon.
Sa pagkakalinis ng pangalan nina Kerwin at Lim, malamang na mapawalang-sala rin si Sen. Leila de Lima. Si De Lima ay kasalukuyang nakadetine dahil din sa drug charges sa New Bilibid Prisons. Inamin noon ni Kerwin na nag-contribute siya para sa kandidatura ng senador. Inamin din ni Kerwin na siya ang drug lord at hindi ang kanyang amang si Rolando Espinosa, dating mayor ng Albuera, Leyte na napatay ng mga pulis sa selda nang manlaban habang sinisilbihan ng search warrant.
Maski si President Duterte ay nadismaya sa pagkakaabsuwelto kina Kerwin at Lim. Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagbanta umano si Duterte na kapag tuluyang nakalaya sina Kerwin, si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang ipapalit niya sa kulungan. Nagbuo naman ng panel si Aguirre para rebyuhin ang pagkakadismis nina Kerwin.
Marami nang napatay dahil sa drug campaign ng pamahalaang Duterte. Karamihan sa mga napapatay ay mga maliliit at mahihirap. Tinotokhang sila at kapag lumaban, niraratrat. Mayroon pang tinataniman ng droga para kunwaring legal ang operasyon. Ngayon, itong mga big time drug lord na umamin na nga pero inabsuwelto pa. Anong nangyayari sa bansang ito at tila mayroong pinapanigan ang batas kapag maykaya ang sangkot sa droga.
- Latest


















