Mga unang pahayag
SA kanyang unang press conference sa Davao matapos ang halalan noong Mayo 9, inilatag ni presumptive president Duterte ang kanyang mga plano o gustong gawin kapag opisyal nang mamuno bilang presidente. Tulad ng inaasahan, krimen ang unang binanggit. Sinabi niya kung ano ang gusto niyang gawin sa mga lumalabag sa batas, partikular mga kasuklam-suklam na krimen tulad ng kidnapping kung saan namatay ang biktima, panggagahasa, mga krimen na ginamitan ng hindi lisensyadong baril at iba pa. Ang nais ay ibalik ang death penalty para sa mga ito. Sa pahayag na ito, sigurado may mga magbibigay na ng kanilang mga opinyon, laban o pabor sa pagbabalik ng bitay bilang parusa sa mga nabanggit na krimen. Hindi ko lang alam kung may magaganap na mga diskusyon dito, o basta na lang ipatutupad ang nasabing parusa. Nagbanggit pa ng mga publikong pagbitay sa mga kriminal. Hindi ko alam kung maganda ang ganyang sistema para sa bansa. Ganyan ang estilo ng China, North Korea, Iran at iba pang mga radikal na bansa. Kung paano babasahin ito ng komunidad ng mga negosyante ay kailangan pang malaman. Pero ganito nga ang kanyang mga pahayag.
Marami siyang binanggit na pabor sa taumbayan. Bawal na lisensiyahan ang mga malalakas na baril sa mga sibilyan. Kailangang mas mabilis na ang serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa paglabas ng mga dokumento. Pati mga taxi drayber na hindi nagbibigay ng tamang sukli ay pinuna. Binantaan din ang mga pulis at militar na may mga kasalukuyang kaso, maging kriminal o administratibo, na umalis na sa serbisyo. Dapat lang. Kapag hindi raw umalis, ipadadala raw sa Jolo para labanan ang Abu Sayyaf. Tatanggalin na raw ang mga tanod dahil wala naman daw silbi. Pati ang pag-inom sa publiko ay pagbabawalan na daw. Mukhang maraming mawawalan ng trabaho pagsapit ng Hulyo.
Pero ang pinaka-kontrobersyal na pahayag ay ang pagbigay ng mga posisyon sa gobyerno sa Communist Party of the Philippines(CPP). Binanggit ang Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, Department of Social Welfare and Development at ang Department of Labor and Employment. Matagal nang kalaban ng bansa ang CPP-NPA. Pero dahil magkaibigan si Duterte at si Joma Sison, mag-uusap na raw para sa tigil-putukan at kapayapaan, at iaalok nga ang mga kagawarang ito kung gugustuhin nila. Sigurado ako na sa mga darating na araw ay magiging mainit ang usaping ito. Tiyak mga malalaking negosyo at korporasyon ay pinag-iisipan na ang gagawin kung sakaling mangyari na nga na mga komunista na ang hahawak sa mga kagawarang iyan.
- Latest















