^

PSN Opinyon

‘Sirena sa ilog’ (Ikalawang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

INIHIGA si Joker. Diniretso ang pabaluktot niyang kamay at paa. Maya-maya rumesponde na ang mga pulis ng Galas sa Presinto 11, pinagpag ang puting kumot na binalot sa patigas na niyang bangkay.

Nung Miyerkules isinulat namin kung papaano natagpuan ang bangkay ng 17-anyos na si Mike Dicierra o “Joker” sa ilog ng Tatalon, Quezon City nung ika-30 ng Hunyo 2014.

Pansin ang mga sugat sa paa ni Joker na tama raw ng bubog ng boteng binato umano ng kaibigang si Elvira Gabarda alyas “Imang” nung gabi bago ito matagpuang patay.  Dumudugo pa ito nang iahon mula sa tubig ang kanyang katawan. Kita rin ang mga marka’t sugat sa braso at mukha nito.

“Medyo malambot pa siya. Wala naman masyadong pinagbago. Ampat pa rin ang tiyan niya, ’di naman lumobo,” pagtataka nila Mayet at Janice.

May ilang testigong nagkwento sa ina ni Joker na si Marieta “Mayet” Decierra at ibang kasamang humanap kay Joker na si Janice Gabarda, ang nakaaway ng anak nung gabi bago siya matagpuang walang buhay.

Pakiramdam ng pamilya ni Joker, hindi basta aksidenteng pagkalunod ang kinamatay ng kapatid. Marunong daw lumangoy si Joker at impo­sibleng ’di siya makaahon sakaling nalaglag nga siya.

May ‘foul play’ umanong nangyari rito. Gusto nilang paimbestigahan ang nangyari kaya’t ika-9 ng Hulyo 2014  nagpunta sina Mayet sa aming tanggapan kasama si Janice upang humingi ng tulong. Itinampok namin sila sa CALVENTO FILES sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/ Sabado11:00-12:00NN).

Tinanong namin kay Mayet kung pina-‘autopsy’ nila ang bangkay. Ayon kay Mayet hindi raw nila alam dahil pinagbabayad daw sila para sa ‘autopsy’ ng puneraryang pinagdalhan nila sa anak.

Mabilis kaming nakipag-ugnayan kay Supt. Ronnie Montejo ng Camp Caringal para alamin kung totoo bang may bayad ang serbisyo ng autopsy gayung  libre itong ginagawa ng kanilang Medico Legal Officer. 

Kinapanayam namin si Supt. Montejo sa radyo, mabilis niyang sinagot na  libre ang pag-a-autopsy ng isang bangkay at ito’y kanilang SOP maliban na lang kung hilingin ng pamilya ng biktima na ’wag ipagalaw ng bangkay. Para mas maliwanagan kami, pinapunta namin si Mayet sa National Bureau of Investigation (NBI) para humingi ng kopya ng ‘Autopsy Result’ ni Joker. Minabuti rin naming pabalikin sila kasama ang mga umano’y may alam sa nangyari.

Ika-10 ng Hulyo 2014, nagbalik sa’min si Mayet kasama si Jetro Gabarda, kapatid ng asawa ni Janice, dalawang kapatid ni Joker na si Mike o “Juan”, 21-anyos, Maridel alyas “Peche” 19-anyos,  at lola nilang si Elena Flores, 53-anyos.

Parehong araw, muli namin silang kinapanayam sa radyo. Kwento ni Jetro, pinsang-buo ni Imang (magkapatid ang kanilang mga ama) na­sabing araw, bandang 2:30 ng umaga, narinig niyang may nagbabasag ng bote sa labas.

Mabilis siyang tumayo at binuksan ang bintana.  Naabutan daw niyang pinapalo ni Imang si Joker ng bote.

“Dala niya ang isang bote ng Empi habang hinahabol si Joker. Binato niya ng bote si Joker at nang mabasag ito, dumampot pa siya ng dalawang bote ng RC mismo sa labas ng tindahan ko,” kwento ni Jetro.            

Napaatras si Joker habang sinasabi raw ni Imang na, “Ano Joker mayabang ako? Mayabang ako?” at naghabulan na nga ang dalawa sa madilim na bahagi ng eskinita sa direksyon papuntang ilog.

Hindi na raw nakialam si Jetro dahil dumating si ‘Ren-Ren’, kanila ring katropa na noo’y galing naman sa kanilang  bahay at palabas ng eskinita.

“Akala ko inawat mo sila…” ani Jetro.

Kinaumagahan nabalitaan na lang niyang natagpuang patay si Joker sa ilog.

“Hindi ako nakapagsalita agad, kasi inuna ko ang pagtatrabaho ko pero nakukonsensya na ako… gusto kong tumulong,” ani Jetro.

Nagsalita rin ang ate ni Joker na si Peche. Nagtatrabaho si Peche sa ‘factory’ ng ‘hard disk’ sa Sta. Rosa Techno Park, Laguna. Nung mga sandaling nangyari ang insidente ay nasa bahay din siya ng kanilang lolang si Elena.

Kwento ni Peche, nakahiga na sila sa ikalawang palapag ng bahay nila Aileen at kaibigan ni Joker na si ‘Chona’. Nagwala na lang daw sa labas ng bahay si Imang na siyang kinagalit ni Elena… nilabas siya nito.

Ayon naman kay Elena, naaktuhan niyang pinupukpok nito ng upuang plastic ang dingding nila na gawa sa yero at natabig nito ang kanyang takure. 

“Kung lasing ka ’wag mong dalhin sa utak. Ilagay mo sa tiyan!” pagsaway ni Elena. Tulala raw nun si Imang, sandaling natigilan at saka umalis. Pagtahimik ng paligid, narinig nilang nag-iingay na ang mga manok sa likuran ng kanilang bahay. Lumabas si Peche at Chona para silipin ang ilog. Inilawan nila ito gamit ang ‘flashlight’ ng ‘cellphone’.

Wala naman silang kakaibang nakita kaya’t pumasok na sila sa loob. Naisip nilang ilawan ulit ang ilog kaya’t bumaba ulit. Tatlo na sila nina Aileen na tumingin sa ilog. Nawawala na raw si Joker ng panahong iyon kaya’t naglolokohan pa raw  sila, “Baka nalaglag na si Joker d’yan, ah!” banggit ni Peche.

Hinanap nila ang kapatid sa may labasan sa circle. Nagtanung-tanong sila subalit ’di naman daw nila alam kung nasaan ito kaya’t umuwi na sila.

 Bandang 3:30AM kumatok si Imang, “Si Joker hanapin natin!” sabi raw nito habang pinaiikut-ikot ang kamay sa nakalabas na bulsa ng kanyang damit.

Pumunta ulit sila sa may manukan, sa ilog subalit wala si Joker. Umakyat pa si Imang sa sirang bahay malapit sa ilog — tambakan ng sirang gamit nila Peche, nagbabakasakaling nandun ang kaibigan subalit bigo si Imang na makita ito.

“Di ako makakatulog nito kasi wala si Joker,” ani Imang bago umuwi.

Akala ni Peche umikot lang si Joker at dumaan sa kinakatayuan ng dati nilang bahay kaya’t sinabi pa niya kay Imang, “Eh kasi hinabol mo pa!”

Alas-kwatro na ng umaga… hindi pa rin umuuwi si Joker. Nakatulog na sina Peche habang dumating na ang nakatatanda nilang kapatid na si Juan. Galing siya nun sa Calamba, Laguna, nagmaneho ng kotse ng kanyang amo nang abutan pa niya ang mga bubog ng basag na bote sa eskinita pauwi.

“Mukhang may nag-away na naman kagabi,” isip-isip ni Juan.

Kinutuban siya ng ’di maganda. Uso naman ang mga bagay na naka­kalat sa kalsada ng lugar na tinaguriang ‘jumping village’ subalit para bang nagsasalita ang mga bubog na may ibig sabihin sa kanya. “Ano kaya ito,”  tanong niya sa sarili.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa Lunes, EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL). SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

 

vuukle comment

ELENA

IMANG

JETRO

JOKER

MAYET

NILA

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with