^

PSN Opinyon

‘Si lolo ‘kalikot’’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“TUWING maghaharap kami sa korte madalas siyang dumikit sakin… parang nanadyang sapakin ko siya!” matigas na sabi ni Pepito.

Ganito ang pakiramdam ni Pepito “Nonoy” Torres sa tuwing makikita si Anatalio Barot, nang-abuso sa anak niyang si “Carla” (di tunay na pangalan).

Una na naming itinampok sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo, ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ang sinapit ng anak ni Nonoy. Amin din itong isinulat sa aming pitak sa PSNGAYON. Pinamagatan itong “Si lolo sa video”.

Sa isang pagbabalik-tanaw, sa loob ng kubong gawa sa kayakas at tagpi-tagping ‘plywood’ sa Jardin Leonila Subd., Los Baños, Laguna nahuli ang malikot na kamay ng noo’y 74-anyos na lolo. Si Anatalio Barot  alyas ‘Daddy Lo’, ex-boyfriend ni “Delay”, ina ng biktima.

Naging usap-usapan ang nangyayari sa loob ng kubo kung saan namamalagi si Anatalio. Lahat napapahinto at nagbubulung-bulangan kapag dumadaan dito.  Isa sa kanila ang dating SK Councilor sa Brgy. Maahas si Kevin Hernandez, 21-taong gulang. Siya at ang ‘video’ niya sa ‘cell phone’ ang nakasagot kung kaya pa ba talaga nitong si Anatalio?

Makikita sa video ang isang lolo at dalaga sa silya. Sa unang tingin mukhang nagpapahinga lang si lolo kasama ang apo subalit nakapasok na ang kaliwang kamay nito sa loob ng shorts nitong dalaga.

Ang dalaga ay itinago namin sa pangalang “Carla”, 21-anyos na ngayon. Inilapit sa amin ng kanyang amang si Nonoy ang sinapit ni Carla na may kapansanan sa pag-iisip. Dala ni Nonoy ang kopya ng video na kuha ni Kevin.

Kwento ni Kevin, ika-30 ng Mayo 2012, kasama niya si Christie — kanyang kinakasama, nagpunta sila sa kubo kung saan sila madalas mangahoy.              

Naabutan pa niya run si “Bado”, bantay ni Carla na may problema rin daw sa pag-iisip. Usap-usapan na minomolestiya si Carla sa kubo kaya’t nagmasid si Kevin sa tapat ng pinto. Napatingin daw si Anatalio kay Kevin sabay hugot ng kamay nito sa loob ng shorts ni Carla at inamuy-amoy. Dito na siya kinutuban.

Para ‘di makahalata, nagpanggap siyang walang nakita at sumigaw, “Walang kahoy!... Ikut-ikot muna ako sa likod maghahanap ng masisibak…”

Sabi raw ni Kevin ng tanungin siya ni Anatalio.

Umikot siya sa kubo, walang alam ang matandang minamatyagan na siya ni Kevin. Sumilip ito sa siwang ng kubo. Nakita niya uling pinasok ni Anatalio ang  kamay sa shorts ni Carla. Hindi malaman ni Kevin ang gagawin kaya’t nanakbo siya papunta kay Christie. “Sumama ka ’yung matanda kinakalikot si Carla!”

Kinuha niya ang kanyang cellphone. Para ‘di makahalata malayo pa lang pinindot na niya ang ‘record’ at saka maingat na lumapit sa kubo. Inilusot niya ang kamay sa siwang. Huli ang malikot na kamay nitong si Daddy Lo.

Para mas maraming ebidensya, inulit niya ang pagkuha sa matanda. Dito nakitang tumuwad na si Anatalio sa silya at umibabaw kay Carla at sinipsip ang dede ng dalaga.

Tumakbo agad si Kevin papunta sa inang ni Carla na si Adela “Delay” Torres na noo’y naglalabada. Kinwento ni Kevin ang nakita at dumiretso sila sa barangay. Nakipagtulungan ang pulisya at pumunta sa kubo subalit wala na si Anatalio. Sa kanyang bahay, tatlong bahay pa ang pagitan siya nakita at dinakip.

Sumailalim sa medico legal examination si Carla. Diretso presinto naman si Anatalio. Nakarating daw sa Media ang insidenteng ito. Ayon kay Kevin, tinanong si Anatalio ng isang reporter sa TV kung bakit niya ito ginawa, sinabi raw nitong, “Alam mo naman lalaki tayo, papakasalan ko naman si Carla…”

Nakulong ng apat na araw si Anatalio at nakapagpiyansa para sa pansamantalang paglaya. Dito lang nalaman ni Nonoy ang nangyari sa anak. Dahil matagal nang hiwalay ang mag-asawa, may sarili na rin silang pamilya, inilihim ni Delay kay Nonoy ang nangyari kundi pa nakalabas ng kulungan si Anatalio.

Nagkaroon din kami ng pagkakataong kausapin si Carla at inang si Delay. Pailing-iling at pangiti-ngiti lang si Carla na parang bata kaya’t hindi niya makwento ang nangyari.

Ayon naman kay Delay, nasalisihan lang siya nitong si Anatalio dahil bantay-sarado naman umano ang anak sa kanya.

Hindi raw lubos maisip ni Delay na magagawa ni Anatalio ang ganun sa anak. Nagulat kami  nang aminin niyang nagkaroon sila ng relasyon ni Anatalio sa loob ng isang taon hanggang maghiwalay sila. Ang ‘best friend’ naman nitong si Ramil Caligdong ang naging boyfriend niya at kinasama.

Matapos ilapit sa amin ni Nonoy ng kasong ito. Agad kaming nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kay Usec. Alicia Bala. Pinapuntahan si Carla ng DSWD Region IV-A at nagtalaga ng kanilang case officer. Inilapit din namin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sina Nonoy para lubusang matulungan sa kanilang kaso.

Tinutukan namin ang kasong ito. Ika-20 ng Marso 2014, bumalik sa amin si Nonoy. Binalita niya sa amin na nung ika-12 ng Marso 2014 nakuha niya ang kopya ng warrant of arrest laban kay Anatalio Cornelio Barot para sa kasong Violation of Section 5(b), Art. II, R.A 7610. Pirmado ni Presiding Judge Maria Florencia B. Formes-Baculo ng RTC-Branch 34, Calamba City. Ang bail ay halagang Php200,000.

Pumunta agad si Nonoy sa DSWD Los Baños at agad tinimbre sa pulis si Anatalio. Hindi alam ng mga pulis ang kinaroroonan ng matanda kaya’t sina Nonoy na mismo ang sumama sa paghuli.

Sa bahay ni Anatalio sa Bernardo Village, Los Baños City  siya naabutan na noo’y palabas na ng kanyang ‘gate’. Mabilis siyang dinakip ng pulis at dinala sa presinto. Kulong si Anatalio!

“Hindi na kami pinagharap pa ni Anatalio. Mga kapatid ko na ang tumingin sa kanya sa kulungan…Maraming salamat po at natulungan niyo kong mahuli ang nang-abuso sa anak ko,” ani Nonoy.

Itinampok naming muli si Nonoy sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kami ay natutuwa na nabigyan na ng hustisya itong dalagang si Carla sa pagkakakulong ng lolong ito. Naway maging maayos ang paglilitis at mapatawan ng karampatang parusa. 

Nakapagpiyansa nung una si Anatalio matapos maghain ng motion to reduce bail at ginawang Php100,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya subalit sa huling ulat, napag-alaman namin na ’di siya sumisipot sa mga paglilitis kaya’t siya’y inisyuhan ng ‘bench warrant’ at kinansela ang kanyang piyansa.

Binigyan namin ng referral si Nonoy sa Clerk of Court ng Branch 34, RTC Calamba City ni Judge Maria Florencia B. Formes-Baculo para makakuha ng kumpletong kopya ng kanyang kaso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA ng krimen o may problemang ligal, magpunta sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09198972854, 09213263166, 09213784392.  Landline 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

vuukle comment

ANATALIO

CARLA

KEVIN

LOS BA

NIYA

NONOY

PARA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with