Cremation sa halip na libing, dumadami
BUMIRIT ang dami ng ipinapa-cremate na yumao nitong nakaraang dalawang taon, ani Mr. Raffy Jose, president-CEO ng Arlington Memorial Chapels and Crematory Inc. Kung dati’y manaka-naka lang bawat taon, ngayon ay tatlo sa bawat sampu, 30%, ng ibinuburol sa Arlington chapels ang ipinake-cremate. Kaya nga nagtayo na ang kumpanya sa Quezon City ng crematory, isang ultra-high-heat na pasilidad kaya walang usok na lumalabas. Pareho lang halos ang gastos sa cremation at regular na libing; nakakatipid ang namatayan sa pagbili ng lote sa sementeryo, pero mahal din ang crypt.
Sa bawat sampu naman na ipinapa-cremate, siyam ay ibinuburol muna nang tatlo hanggang apat na araw, dagdag ni Jose. Isa lang sa bawat sampu ang ipinaaabo agad bago pa man iburol. Dahil dito, nagkaroon din ang Arlington ng cremation memorial rites. Sa ilalim ng memorial host (Marilou Cayton o Isabela Jose), nagdaraos nang maikling necrological service: paggunita sa yumao, pagpapasalamat ng mga naiwan sa mga nakiramay, ilang awit at tula, at simbolikong pagpapakawala ng mga paruparo.
Merong kuru-kuro na napulot ng mga Pilipino ang cremation mula sa mga Hapon, Tsino, India (Hindus), o Northern Europeans (Vikings). Maari nga. Pero nu’ng sinaunang panahon ay may kahalintulad na tradisyon ng cremation ang ating mga ninuno.
Sa Sagada, Benguet, matatagpuan ang hanging coffins, na hindi mahigit 2,000 taon ang tanda. Ang patay noon ay itinatapa sa usok, para tumagal sa limang araw na lamayan. Tapos isinusuksok ito sa inukit na tood ng puno, at isinasabit sa bangin. Mas mataas ang pinagsabitan, mas malapit sa langit, at malayo sa baha.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest















