'Si lolo sa video' (ikalawang bahagi)

NAGKISKISAN ang kanyang mga ngipin sa galit. Lumapit sa kanya si Kevin pinakita ang video sa cellphone. Bumaligtad ang sikmura ng ama…

“Imbes na kaawan ang anak ko pinagsamantalahan pa!” wika ni Nonoy.

Nung Biyernes itinampok namin sa aming pitak ang pambababoy na ginawa ng lolong 74-anyos, si Anatalio Cornelio Barot alyas ‘Daddy Lo’ sa isang 19-anyos na dalagang ‘mentally challenge’. Itinago namin siya sa pangalang “Carla”. Ang ginawa nitong si lolo na-record sa video ng cellphone ng isang SK.

Para mas maliwanagan kami, sinabi namin kay Pepito Torres o “Nonoy”, ama ni Carla na papuntahin sa amin ang kumuha ng video maging ang ilang kasama ng anak sa bahay. 

Ika-2 ng Hulyo 2012 nagsadya sa amin si Kevin Hernandez, Sangguniang Kabataan Councilor ng Barangay Maahas, Los Baños, Laguna, ang kinakasama nitong si Christie Tayam, kasama rin ang ina ni Carla na si Adela “Delay” Torres at ang bagong kinakasama nito na si Ramil Caligdong.

 Una naming kinausap si Kevin hinggil sa video. Isang taon ng SK Councilor si Kevin. Tatlong buwan na ring nakakaraan mula ng magsama sila ni Christie sa Jardin Leonila Subd. kung saan nakatira sila Carla.

Ika-30 ng Mayo 2012… bandang 09:15 ng umaga, kasama si Christie nagpunta sila sa kubo nila Carla para mangahoy.

Liblib na lugar na ang kinatatayuan ng kubo. Maraming tanim at puno kaya’t madalas dito ang punta ni Kevin para mamitas ng sili at kumuha ng panggatong. Sa kubo niya madalas nakikita si Carla.

“Nakaupo siya sa loob ng kubo sa tapat ng pinto kasama ng taga-bantay niyang si Bado,” kwento ni Kevin.

Ang “Bado” na tinutukoy ay si Epifanio, ang adopted na kapatid ni Delay. Labing walong taong gulang at may problema din umano sa pag-iisip.

“Bado… akin na lang itong kahoy panggatong lang,” wika ni Kevin sabay hawak sa sirang papag.

“Huwag galit Delay… dun dun!” pautal-utal na sagot ni Bado habang tumuturo sa kahuyan.

Bitbit ang itak sinundan nila Kevin si Bado limang minuto ang layo sa kubo.

“Bado… balik ka sa kubo walang kasama si Carla!” utos ni Christie.

Naiwan nun si Carla sa loob ng kubo kasama si Daddy Lo. Nagtaka si Kevin,“Huh? Bakit naman? May nagbabantay naman, nandun yung matanda?”

“Usap-usapan kasing minomolestiya yang bata…” wika ni Christie.

Mabilis na bumalik sa kubo si Kevin… bitbit ang itak pasimple siyang umupo sa silya, sa labas ng kubo katapat ng pinto. Napatingin si Anatalio kay Kevin sabay hugot ng kamay nito sa loob ng short ni Carla…at inamuy-amoy.

“Naramdaman niya sigurong tinitignan ko siya. Para hindi makahalata sumigaw ako, ‘Walang kahoy!’”, wika nito.

Sumagot si Anatalio, “Saan ka ba kukuha ng kahoy?”

“Iikut-ikot ho muna ako sa likod… maghahanap ng masisibak, tanghali na wala pang pagkain,” sagot ni Kevin.

Umikot si Kevin sa kubo, ang hindi alam ng matanda tinitiktikan na siya nitong SK. Sumilip si Kevin sa siwang ng kubo… nakita niyang pinasok muli ni Anatalio ang kamay sa short ni Carla. Hindi malaman ni Kevin ang gagawin.

Nanakbo siya pabalik kay Christie. “Sumama ka… yung matanda kinakalikot si Carla!” sumbong nito.

Hindi naman naniwala si Christie kaya’t hindi siya sumama. Bumalik si Kevin sa kubo. Tuloy pa rin ang ginagawa ni Anatalio.

“Iitakin ko ba? Baka naman ako pa makulong… Wala na kong maisip na paraan kesa mabahidan ng dugo ang itak ko cellphone ko na lang ang gagamitin ko,” isip-isip ni Kevin.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at vinideo ang pangyayari. Para hindi makahalata ang matanda malayo pa lang pinindot na niya ang ‘record’ para hindi na tumunog at saka inilusot ang kamay sa siwang ng kubo. Huli ang pambababoy ng matanda sa video.

Para mas maging matibay ang ebidensyang panghahawakan ni Kevin inulit muli niya ang pagkuha sa matanda. Sa pagkakataong ito tumuwad na si Anatalio sa silya… umibabaw kay Carla.

“Sinipsip niya yung dede ng bata,” sabi ni Kevin.

Nanakbo si Kevin… tumawid siya sa kabilang ilog sa lugar kung saan naglalabada ang ina ni Carla.

“Ate! sumama ka sakin! Dalian mo na! Emergency lang!” sabi ni Kevin.

Nung una ayaw pang sumama ni Delay, “Teka magbabanlaw muna ako!”

“Mamaya na naman yan di na importante yan!” giit ni Kevin.           Hinila ni Kevin si Delay… papuntang barangay. Ilang beses tinanong ni Delay kung anong problema subalit tikom bibig si Kevin hanggang makarating ng barangay. Dun lang niya pinakita ang Video.

“Anak ko yan ah…bakit ano bang nangyari?” umiiyak na tanong ng ina.

Kinwento ni Kevin kay Delay ang pangyayari. Mabilis na nakipagtulungan ang taga-Barangay Maahas sa Pulisya ng Los Baños.

Rumesponde ang mga pulis… diresto sa kubo kung nasaan si Carla subalit wala na dun ang matanda. Sinakay nila sa mobile si Carla at saka pumunta sa bahay ni Anatalio tatlong bahay ang layo mula sa kubo. Dito siya nadakip.

Sa mobile ng pulis nagkaharap si Delay… Anatalio, Kevin at Carla. Ni isang masakit na salita mula kay Delay wala daw natikman ang matanda.

“Hindi ko na para pangunahan pa ang batas! Masama ako magalit!” paliwanag ni Delay.

Dinala sa PNP, Camp Vicente Lim, si Carla para sumailalim sa ‘medico legal examination’. Diretso Presinto naman itong Lolo.

Nakarating sa Media ang insidenteng ito. Kwento pa ni Kevin… kinapanayam pa sa isang programa sa telebisyong itong si Anatalio.

Tinanong siya ng reporter, “Bakit niyo naman po nagawa yun Tatang?” Sagot umano ni Anatalio, “Eh alam mo naman lalake tayo… papakasalan ko naman si Carla…”

Apat na araw lang nakulong si Anatalio. Nakalaya siya matapos makapagpiyansa sa halagang Php200,000. Ang lahat ng insidenteng ito nakarating sa kaalaman ni Nonoy… tatlong linggo na ang nakakaraan. Nilihim ito ni Delay.

Palaisapan sa amin kung papaanong nagawang itago ni Delay ang insidenteng ito sa ama ng bata… gayong kay Nonoy na mismo nanggaling na maayos na ang kanilang relasyon… magkaibigan na sila.

ANG IBA PANG REBELASYON sa kasong ito. ABANGAN… sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline: 6387285, 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Bou­levard., Pasig City (Lunes-Biyernes).

* * *

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments