Editoryal - Pagkidnap sa mga bata

NAUUSO ang pagkidnap sa mga bata. Iba’t iba ang modus. May mga kinikidnap sa loob mismo ng department store o grocery. May kakaibiganin ang ina ng bata at kapag nakali-ngat, itatakas na. Mayroong sanggol na itinakas makaraang pangakuan ang ina na siya ang magbabayad ng mga pinamili. Mayroong ang estilo na dadakmain ang bata at saka isasakay sa van. Kadalasang ang kinikidnap na mga bata ay 6-na taong gulang pababa at tinitiyempuhan habang naglalaro sa kalye.

Sa sunud-sunod na pagkidnap sa mga bata, walang ibang dapat gawin ang mga magulang kundi bantayan nang todo ang mga anak. Ito ang pinakamabuting magagawa. Hindi naman magkakaroon ng lakas ng loob ang mga kidnapper kung ang mga magulang ay laging nakabantay sa kanilang mga anak. Kung ang mga pulis ay walang magawa para malutas ang sunud-sunod na pa-ngingidnap, malaki naman ang magagawa ng mga magulang para hindi madukot ang kanilang mga anak. Ang mga magulang na alerto ang katapat ng mga salot na kidnaper.

Kagaya ng ginawang katapangan ng isang ina sa San Agustin Village, Talipapa, Quezon City, noong nakaraang Lunes. Nailigtas niya sa mga kidnapper ang dalawang anak, edad 4 at 8. Umano’y naglalaro ng badminton sa harap ng kanilang bahay dakong alas-sais ng gabi.

Ayon sa ina, nanonood siya sa paglalaro ng kan­yang mga anak nang isang berdeng van ang tumigil at bumaba ang dalawang lalaking naka-bonnette. Biglang hinatak ang kanyang dalawang anak at tangkang ipasok sa van. Pero buo ang loob ng ina. Nadampot nito ang raketa ng badminton at sinugod ang dalawang lalaki. Pinagpapalo niya ng raketa ang mga ito. Ubos lakas ang ginawa niyang paghampas na naging dahilan para bitiwan ang mga bata. Tumakas ang mga kidnapper.

Kung hindi sa lakas ng loob at tapang ng ina, baka natangay na ang mga anak. Nagpapakita la­mang na ang pagbabantay ng magulang sa mga anak ang panlaban sa mga kidnapper. Huwag nang asahan ang PNP sa nangyayaring sunud-sunod na pagkidnap sa mga bata. Mahirap umasa sapagkat maaaring mabigo sa inaasam na proteksiyon.

Show comments