Senadora Judge Reyna Miriam

MULA sa araw na ito ay nais kong bigyang galang si Senadora Miriam Defensor Santiago sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya na Senadora Judge Reyna Miriam Defensor Santiago. 

Ginagawa ko ito bilang pagpapakita na matindi ang takot sa kanya dahil baka lektyuran niya o di kaya’y hiyain sa harap ng maraming tao. 

Naalala ko kasi ang isang simpleng kasabihan, “fear is sowed but respect is earned”. Sa salita natin, ang pananakot ay hinahasik pero ang respeto o paggalang ay inaani. 

Ang isa pa, “You reap what you sow” o kung ano ang tinanim siya ang aanihin.  

Sana maalala ito ni Senadora Judge Reyna Miriam Defensor Santiago na literal na umakyat yata sa ulo ang hangin lalo na at napili siyang maging Huwes ng International Court of Justice. 

Kung bastusin niya ang mga tao sa kanyang mga pananalita at walang tigil na pagdudunung-dunungan ay tunay na nakapanliliit. Nais niya katakutan siya ng lahat at galit naman siya pag merong may lakas loob na kumontra sa kanya gaya ni Atty. Vitaliano Aguirre Jr. 

Ang hindi niya alam, ultimo mga kasama niya ang pinagtatawanan siya at ayaw lamang siyang patulan dahil ika nga nila “may _________.” Bahala na kayo magpuno nito, gaya ng karamihan sa mga senador na kasama niya at mga kakilala natin, hindi natin makuhang ibigay ang tunay na description niya dahil bababa naman tayo sa level niya na tahasan nating sasabihing BASTOS.

Kung ang magandang katangian ng mga magagaling at lubos na ginagalang natin ay ang pagiging mapagkumbaba, sa kay Senadora Judge Reyna Miriam Santiago ay absent ito. 

Wala siya ni konting ma­pagkumbaba na tunay na malungkot dahil isa siyang opisyal na dapat sana ay magsisilbing ehemplo sa mga kabataan at kababaihan. 

* * *

Para sa anumang re­aksyon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com  

Show comments