KAHAPON ay ika-siyam na anibersaryo ng ating sister newspaper na PM (Pang-Masa) at sa harap ng simpleng meryenda napagkuwentuhan namin ng President-CEO ng Pilipino Star Ngayon Inc. na si Miguel Belmonte ang kalagayan ng ekonomiya.
Aniya, kumpara sa mga nakalipas na mga taon, bumuti ang sales ng mga pahayagan ng Star Group of Publications sapul nang maluklok si Presidente Benigno Simeon Aquino III.
Pumasok ang topic na ito dahil sa librong isinulat ng naka-hospital arrest na si Mrs. Arroyo na patutsada sa administrasyon ni P-Noy na may pamagat na “It’s the Economy, student!” Pinatatamaan ni GMA ang paboritong slogan ni P-Noy na “kung walang korap, walang mahirap.”
Claim ni GMA, maganda ang takbo ng ekomomiya nang bumaba siya sa pagkapangulo at ito’y naunsiyami sa pagluklok ni P-Noy. “Ibig bang sabihin na mas maraming korap ngayon dahil masama ang takbo ng ekonomiya?” tanong ni GMA.
Para kay Mr. Belmonte, ang alam niya ay umigi ang takbo ng negosyo nang maupo si P-Noy. Pero tila natakpan na ang isyu tungkol kay GMA ng umiinit na impeachment case laban kay Chief Justice Renato Corona na ang trial ay magaganap na sa Lunes. Sana’y huminto na sa grandstanding ang ating mga pinagpipitagang Congressmen-prosecutors.
Halimbawa, hindi pa man nagsisimula ang trial na nakatakda sa Lunes ay humirit na naman ang mga prosecutors sa paglalantad ng mga ebidensya tulad ng 45 real estate properties na ang karamihan ay nakapangalan umano sa kanya.
Ang sabi naman ni Corona, kung mapapatunayan nilang sa kanya nga ang mga ari-ariang ito, handa siyang lumagda ng deed of donation para ibigay ang mga ito sa kanila. Huwag muna tayong humatol kay Corona at bayaang uminog ang proseso. At dahan-dahan sana sa paglalantad ng ebidensya ang mga prosecutors nang wala sa panahon dahil baka mag-backfire sa inyo iyan! Sa impeachment court na niyo ilantad iyan.
Pero kung mapapatunayan ang isyu sa mga ari-arian, kani-kanino kaya ido-donate ang mga pro-perties ni Corona?