HINDI komo’t nagkulang ang mga House Prosecutors sa pagbunyag sa publiko ng kani-kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ay hindi na ngayon bubusisiin ang akusasyon laban kay Chief Justice Rene Corona. Kung may ebidensiya nga na may pagkukulang si CJ Corona sa bagay na ito, kailangan pa rin niyang managot. Iyan ay kung sa pakiwari ng Senado’y maituturing itong impeachable offense.
Hindi rin maaring takasan ng House members ang anumang pananagutang dala ng kanilang failure to disclose. Gaya ni CJ Corona, kung mapatunayang sila’y nagkamali, dapat lang na pangatawanan din nila ang anumang parusang nakakabit dito.
Mabuti at nabulgar ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang tunay na kuwento tungkol sa SALN ng ating mga matataas na opisyal. Noon hindi pa ito pumuputok, parang napakalaki nang kasalanan ang pinaparatang kay CJ Corona na pinamukhang pilit nililihim ang kanyang assets and liabilities sa publiko. Mapatunayan man na ito’y isang pagkukulang, hindi na maikakaila na gawain rin ito ng maraming mataas na opisyal. Kaya kung mali man, maaring pagkakamali ito na walang malisya o masamang intensyon at dala lamang ng interpretasyon ng batas na kinatigan din ng lahat. Hindi ito ang uri ng kasalanan na ikatatanggal ng isang mahistrado sa pamamaraan ng impeachment.
Ang Impeachment process ay hindi na bago sa lipunan – ito na ang pampito sa ilalim ng 1987 Konstitusyon. Desierto, Estrada, Davide, Arroyo, Gutierrez, Del Castillo, Corona. Alam ng lahat na ito’y kakaibang uri ng pagpa-panagot, para lamang sa matataas na opisyal na pinaratangan ng kakaibang uri din ng pagkakasala.
Hindi absuwelto ang mga Hukom at Mahistrado sa ating mga batas na kriminal – tulad din ng ibang kawani, kailangan nilang managot kung patunayang lumabag dito. Subalit kung sila’y pahaharapin sa isang proseso na mas mataas pa sa karaniwang criminal prosecution, nararapat lamang na ang basehan at ang sukatan para dito ay higit ding matimbang at mahigpit sa ginagamit sa hukuman.
Kung bubuksan mo ang impeachment process sa lahat na lang ng pagkakasala na mareresolbahan naman sa korte, wala nang ibang aatupagin ang Kongreso, at malulugi ang kaban ng gobyerno sa mamahaling proseso.