Hustisya!

BINOMBA ng OV-10 Broncos ng Philippine Air Force (PAF) ang ilang kuta ng mga kriminal na rebelde sa Basilan. Mabuti naman at nakatikim din ng bawi kahit papano ang mga walanghiyang kriminal na iyan na pumatay sa higit 20 sundalo! Hindi na nga malaman kung papaano reresponde ang AFP dahil nga may kasunduang tigil-putukan, pero eto ang MILF o kung sino man ang mga iyan na pinagsasamantalahan ang patakaran ng gobyerno!

Bagama’t pabor pa rin ako na tapusin na ang rebelyong ito, tama rin ang pagresponde ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbomba sa mga lugar ng mga kriminal. Mas maganda rin sana kung kaagad ginawa. Ganun ang estilo ng mga Israeli, na pinapaligiran ng mga matitinding kaaway. Kapag nakantian sila, kahit gaano pa kalaki o kaliit, asahan mong babawi kaagad sila. Pagkatapos bombahin, habulin na ang mga kriminal. Total, alam na ng MILF siguro ang pakay ng mga sundalong kikilos ngayon sa Basilan. Wala nang dahilan na hindi sila sinabihan o ano pang rason para banatan na naman ang mga sundalo. Maliban na lang kung iyon naman ang gustong gawin antimano!

Tunay na nalalagay sa peligro ang kasalukuyang usapang pangkapayaan sa pagitan ng MILF at ng gobyerno. Pero hindi naman puwedeng palampasin na lang ang ginawang pagpatay sa mga sundalo. Hindi kinailangang putukan ang mga sundalo sa dahilan na pumasok sila sa teritoryo ng MILF dahil nga may ceasefire. Puwedeng pagsabihan lang ang mga pinuno ng mga sundalo para umatras. Hindi kailangang bala ang magdala ng mensahe!

Sa mga pagtatala na ginagawa ng ABS-CBN sa TV Patrol pati na rin sa opisyal na website, hati ang mga rumesponde sa paraan ng pagkilos ng administrasyon sa MILF. Ang kalahati, gustong todo-todo na ang pagsugpo sa MILF. Ang kalahati, piliin lang ang mga hahabulin at hindi ang buong MILF. May mga punto ang dalawang panig, pero ang malinaw, dapat kumilos at rumesponde sa nangyaring pananambang at pag-atake ng mga rebelde, MILF man o hindi. Para naman magkaroon ng saysay ang pagkamatay ng mga sundalo ng bansa, na binigay na nga ang kanilang buhay para sa Republika! Ituluy-tuloy ang pagbomba hanggang mabura na ang mga kriminal na elemento sa Basilan! Nang mawala na sa mundong ito! Hustisya para sa mga namatay!

Show comments