Panginoon, iligtas Mo ang mga bata!

MAY mga magulang na hindi na dapat pinagkalooban ng Diyos ng anak. Isang mag-asawa sa Cebu ang nagbubugaw sa kanilang anim na anak – edad apat hanggang 15 – sa internet! Ginigising ang mga anak ng 5:30 ng ma­daling araw para sumayaw at gumawa ng mga mala­laswang kilos sa harap ng internet camera, para sa mga nagbabayad na sira-ulong demonyo na mahihilig sa bata! Binabayaran sila para sa bawat “session”. Makakapili pa sila mula sa anim na iba’t ibang gulang na anak at kasarian! Kaya siguro ganung oras ginigising ay dahil ito yung oras na nasa bahay naman ang mga halimaw na pedophile sa ibang bansa!

Ayon sa mga magulang, dala ng kahirapan sa buhay kaya nila nagawang inegosyo ang mga anak. Tatlong taon na raw nilang ginagawa ito, kaya isipin na lang natin ang danyos na nagawa na sa mga bata! Kadalasan ang naririnig nating mga balita ay sinasaktan ng ama o ina ang kanyang anak. Sa kasong ito, silang dalawa pa! Kaya walang matakbuhang kakampi ang mga anak!

Parusang matindi ang nararapat sa mag-asawang ito. Parang ginahasa o pinatay na rin nila ang kanilang sariling anak sa kanilang pagbenta sa mundo ng mga pedophile. Mismo mga eksperto sa larangan ng child psychology ang nagsabing matatagalan bago bumalik sa normal na pamumuhay ang mga bata, na wala raw kamalay-malay na hinahalay na sila’t inaabuso. Hindi na talaga puwedeng tanggapin ang “matinding kahirapan” kung bakit gumagawa ng ganitong mga krimen. Ganun na rin ang dahilan ng pusher, ng mamamatay-tao, ng drug mule, lahat na!

Nahuli ang mag-asawa dahil sa pagsasanib-puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Homeland Security ng Amerika. Iba na ang usapan kapag mga bata na ang ina­abuso. Mabuti at nahuli na ang mag-asawang ito. Buntis pa mandin ang nanay. Plano pa nga siguro magdagdag ng empleyado sa kanilang malaswang negosyo! Di na raw uulit. Talaga! Dahil sa kulungan na sila magnenegosyo!

Show comments