Liwanag ng Espiritu Santo

ANG pagpapatong ng kamay nina Pedro at Juan sa mga Samaritano ay wagas na paraan upang matanggap nila ang Espiritu Santo. Ito rin ang panawagan ni Pedro sa kanyang unang sulat upang gawin natin ang ating puso bilang dambana na Espiritu Santo

Ang salitang “mano po” ay simbolo ng ating lubusang paggalang at pagmamahal sa mga matatanda. Sila ang ating taga-samo at taga-hingi sa Espiritu Santo upang tayo ay gabayan at liwanagan. Ipinangako ni Hesus na ipadadala Niya ang Espiritu Santo. Ito ang tunay na pag-ibig ni Hesus na ang tanging sukli natin ay ang pagtupad sa Kanyang mga utos. Natutupad natin ito sa tulong at awa ng Espiritu Santo.

Ipinadala ng Ama sa langit ang Kanyang Bugtong na Anak dala ng pag-ibig sa atin sa tulong ng Espiritu Santo na taga-pangalaga sa atin ni Hesus. Kadalasan ay hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi Siya nakikilala. Dapat nating makilala ang Espiritu sapagkat Siya ang nananahan sa ating buhay. Siya ang pangako ni Hesus na hindi tayo iiwang nangungulila. Hindi natin Siya nakikita at nakikilala, subalit palagi Siyang nasa ating piling.

Maraming Kristiyano (lalung-lalo na tayong mga Katoliko Romano Pilipino) ang namimintakasi sa iba’t ibang pangalan ng mga Santo at Santa sa Langit.    

Palagi nating binabanghay ang ating mga pinipintakasi. Kadalasan ang araw ng Martes ay kay San Antonio de Padua (Bustillos) sa paghingi ng tulong sa mga nawawalang bagay, Miyerkoles sa Ina ng Laging Saklolo (Baclaran); Huwebes sa St Jude (Malakanyang) para sa tagumpay ng mga plano sa buhay at Biyernes sa Panginoong Hesus Nazareno (Quiapo) at sa Mahal na Puso ni Hesus (lahat ng simbahan). At ang araw ng Sabado ay sa Mahal na Birhen Maria.

Ang araw ng Linggo ay ating pangingilin, pagsamba at pagtupad sa Utos ng Diyos.

Sa ating mga pintakasi ay marami pa ang hindi nakaaalam na ang Lunes ay para sa Espiritu Santo. Ito ang araw ng ating paghingi ng liwanag sa ating isipan at plano sa buhay.

Gawa 8:5-8, 14-17; Salmo 65; 1Pedro 3:15-18 at Jn 14:15-21

Show comments