Sore eyes: Sobrang nakahahawa!
ALAM n’yo ba na nakahahawa ang sore eyes? Bawal mag-beso-beso o makipagkamay sa isang taong may sore eyes. Ang mga gamit na tulad ng tuwalya, unan at salamin ay dapat hugasan din ng maigi. Kapag humawak ang isang may sore eyes sa pintuan, computer o refrigerator, puwedeng manatili doon ang bacteria at makahawa ng iba. Grabe hindi ba?
Ang tawag sa sore eyes ay Acute Bacterial Conjunctivitis. Ang ibig sabihin ay may bacteria, tulad ng Chlamydia at Staphylococcus, ang kanilang mata.
Mapula at namamaga ang talukap ng mata ng may sore eyes. Minsan isang mata lang, pero mabilis mahawa ang kabilang mata. Puno rin ng muta at nana ang mga mata. Dahil makati ito, lagi itong pinupunasan, at tuloy ang kamay nila ay punumpuno ng mikrobyo ng sore eyes.
Paano iiwas sa sore eyes?
Ang sore eyes ay nanggagaling sa maruming kapaligiran. Kapag hindi tayo naghugas ng kamay, puwedeng magka-sore eyes. Kapag makipagkamay tayo sa taong may sore eyes at mapunas mo sa iyong mata, siguradong magkaka-sore eyes ka na rin.
Madalas ang sore eyes sa mga mag-aaral sa school. Mabilis magkahawahan ang mga bata, kaya huwag munang papasukin sa school ang bata para hindi makahawa ng iba. Sa matatanda, huwag din munang magtrabaho sa opisina.
Simple lang ang pag-iwas sa sore eyes. Maghugas, maghugas at maghugas ng kamay. Huwag mag-share ng tuwalya at unan. Huwag maligo sa swimming pool habang may sore eyes dahil puwedeng mahawa ang ibang naliligo!
Dapat maghugas din pagkatapos gumamit ng banyo. Kung walang tubig, gumamit na lang ng alcohol o sanitary wipes. May tulong din ito.
Paano ginagamot ang sore eyes?
Ang gamot sa sore eyes ay ang mga anti-bacterial eye drops tulad ng Vistacom Eye Drops (P155 bawat bote), at Maxitrol Eye Drops (P272). Mahal talaga ang mga eye drops na ito. Para makamura, mag tanong sa Generics Pharmacy ng eye drops para sa sore eyes.
Maghilamos muna ng mukha at mata. Pagkatapos, ipatak ang Eye Drops sa bawat mata, 3 beses sa maghapon. Gawin ito ng 1 linggo hanggang gumaling. Kapag hindi gumaling ng 3 araw, kumunsulta sa doktor o ophthalmologist.
- Latest
- Trending



















